Hiling ng batang may sakit na fan ni Coco, tinupad ni Edu

January 24, 2019
Coco Martin

’KAGULO ang avid viewers ng FPJ’s Ang Probinsyano at followers ni Edu Manzano sa Instagram nang mag-post siya ng pasasalamat kay Coco Martin sa ngalan ng isang batang may sakit na fan ni Coco.

Reaksyon ng isang follower ni Edu, “Working together muna sina President Cabrera at Cardo,” mga karakter na ginagampanan nina Edu at Coco sa top-rating ABS-CBN action serye.

Sagot ni Doods, “Hindi sa lahat ng oras magkalaban!!! Haha!”

Sa IG caption, sinabi ng aktor na nakatanggap siya ng sulat tungkol sa isang bata na nagngangalang Miracael Macavinta. May rare skin disease daw ang bagets, epidermolysis bullosa, at idinaan ng mga magulang nito ang sulat sa opisina ni San Juan Vice Mayor Janella Estrada.

Ang tanging hiling daw ni Miracael ay makita at makilala nang personal ang matagal na niyang idolo na si Coco.

Dahil magka-partido sina Vice Mayor Janella at Edu (na tumatakbo sa pagka-kongresista sa San Juan) sa May midterm elections at bilang magkasama naman sila ni Coco sa Probinsyano, naging tulay ang tatay ni Luis Manzano na matupad ang kahilingan ng bata.

Ani Edu, “Maraming salamat, @mr.cocomartin for giving joy to this brave child! You are truly a blessing to many” at nilagyan ng hashtags na #fpjap #angprobinsyano.

Sabagay, hindi na bago ang pagiging likas na malapit at malambot ang puso sa kabataan kay Edu.     ’Di ba nga, ilang taon na ang cancer wing na ipinangalan niya sa yumaong amang si Adrian Manzano sa Philippine Children’s Medical Center?

Saksi kami sa madalas niyang pagbisita roon, lalo na tuwing Pasko, para pasayahin ang mga musmos na pasyente ng Big C.

Minsan na ring naikuwento ng aktor sa isa pang IG post ang tungkol sa fondest memories niya habang lumalaki sa hometown niyang Concepcion, Iloilo.

Ani Edu, “I want to give the youth there access to a facility na sobrang halaga sa kanilang pag-aaral. The photo above is the Group M Library on the island of Polopiña. In collaboration with Group M family, the learning center is already complete with computers, printers, satellite TV and reading materials.”