Hirit ni Edu kay Luis, pahinga muna bago apo

February 11, 2019
Luis Manzano

KESA magpakasal, ang mas gusto ni Edu Manzano na gawin ng anak na si Luis Manzano ngayon ay magpahinga dahil nagkakasakit na nga naman ito sa kakatrabaho.

“Mas gusto ko sanang magpahinga siya. Stop and smell the coffee. Kasi, halos araw-araw siyang may trabaho, eh. Magpahinga, mag-isip sila, bumiyahe nang konti,” ang payo ni Doods (tawag kay Edu).

Noong bata raw siya ay nangyari rin sa kanila ’yan ng ex-wife na si Vilma Santos.

“Kaliwa’t kanan ang trabaho. Akala ko noon, eh, ’yun ang sikreto ng isang magandang pamilya, kayod ka nang kayod. Kailangan lagi, financially secured. Little did I know, that’s not the solution sa lahat ng problema.”

Hindi ba siya excited nang magkaroon ng apo?

“Okay lang sa akin. No kasi, lolo na rin ako sa mga apo ng mga kapatid ko, eh,” he said.

Pero nakikita na ba niya na si Jessy na ang gustong pakasalan ni Luis?

“Well, nakikita mo naman kung gaano kasaya ’yung anak ko, eh, you know, and nakikita ko sila, kasi nagdi-dinner kami, eh. Iimbitahin ko ng dinner (sina Luis and Jessy), tapos, whenever they’re with us, I mean kahit si Enzo, si Adi (his other children), ’andiyan si Jessy, nandiyan si Luis, lahat sila nagkakasundo, eh.

“So, for a parent, maganda tignan. Masarap sa pakiramdam.”

Samantala, muling pinapasok ni Edu ang public service dahil tumatakbo siyang congressman ng San Juan.

Kung sakaling mananalo, pansamantala raw siyang mamamahinga sa showbiz at hindi na muna gagawa ng proyekto para mag-full time sa pagiging public servant.