Imelda walang tinatalikuran

September 14, 2019

SA kabila ng paging vice-governor ng Camarines Sur, hindi pa rin tinatalikuran ng Asia’s Sentimental Songstress at pangulo ng KAPPT na si Imelda Papin ang kanyang tungkulin  sa actors’ guild at bilang isang singer-performer.

Malaking challenge kay Imelda ang kanyang nalalapit na major concert sa -55,000 -seater na Philippine Arena (in Bulacan) to celebrate her 45th anniversary in the entertainment business.  Kaya kaya niya itong punuin?  Will she be performing in a half-filled arena?  Ang mga katanungang ito ay matutugunan lamang pagdating ng October 26 at 6 p.m.

Nakarating din sa kaalaman ni Imelda na may kumukuwestiyon sa kanyang pagiging pangulo ng Actors’ Guild of the Philippines dahil hindi naman umano siya artista bagay na agad naman niyang kinontra.  

“Sana’y mag-research sila kung ilang pelikula ang nagawa ko noon at nakatrabaho ko pa no less than the late FPJ at ang movie queen na si Susan Roces,” depensa ng tinagurian ding Jukebox Queen.

“Besides, ang mga kasamahan naman natin sa industriya ang nagluklok sa ako sa puwesto,” dugtong pa niya nang ito’y aming makakuwentuhan kamakailan lang.

Ipapamalas ni Imelda ang mga kaganapan ng kanyang career sa loob ng 45 years sa kanyang nalalapit na major concert sa Philippine Arena on October 26 at 6 p.m. kung saan siya magkakaroon ng maraming special guest performers.