James lalayasan na ang manager, Nadine susunod na?

August 18, 2019
James Reid, Nadine Lustre

Nung isang taon pa namin naaamoy na tila may problema ang Viva  na siyang sumugal at  nangangalaga ng career ng Fil-Australian singer-actor, celebrity endorser, composer-producer at ex-PBB housemate, maging ang kasintahan nitong si Nadine Lustre. 

Dapat sana’y nung isang taon pa sinimulan ni James ang kanyang solo movie (without his perennial screen partner na si Nadine), ang movie remake ng “Pedro Penduko” with him playing the title role.  Pero na-delay ito nang na-delay hanggang last week of May ay tuluyan na itong nag-back out sa nasabing proyekto.  At kamakailan lamang ay ang girlfriend naman nitong si Nadine Lustre ang back-out sa pang Metro Manila Film Festival movie ng Viva, ang local remake ng Korean movie na “Miracle in Cell #7” na pagtatambalan sana nila ni Aga Muhlach na kesyo gusto umano nitong magpahinga muna pagkatapos ng sunud-sunod niyang movie projects.

It was in February last year nang itatag ni James ang sarili niyang record label, ang Careless Music considering na meron siyang management contract with Viva Artists Agency (VAA) na sumasaklaw sa lahat ng aspeto ng kanyang career including acting, recording, TV commercials, etc.

Tinawagan namin  ang big boss ng Viva na si Boss Vic del Rosario na may kinalaman sa pagkalas sa kanila ni James pero nag-no comment ito at hintayin na lamang daw ang official statement na ilalabas ng Viva isa sa mga araw na ito.

Si James ang tinanghal na big winner ng Pinoy Big Brother: Teen Clash in 2010 pero marami ang nagtaka na hindi ang Star Magic ang naghandle sa kanyang career and he suddenly disappeared into thin air.  Pero biglang bumulaga ang karera ni James nang ito’y ipareha sa in-house talent ng Viva na si Nadine Lustre sa pelikulang “Diary ng Panget” in 2014 at naging hit sa takilya.  On same year, muling nagsama ang dalawa sa pelikulang “Talk Back and You’re Dead” na isa ring box office hit at magmula noon ay tuluy-tuloy na ang paglago ng career nina James at Nadine bilang magka-loveteam at bilang solo artists.

Sa pamamagitan ng Viva Records ay nakagawa rin ng albums si James at ang kanilang dalawang magkahiwalay na sold-out concerts sa Big Dome (Araneta Coliseum) in 2016 and 2018.  Nariyan din ang kanilang matagumpay na teleserye, ang “On the Wings of Love” at “Til I Met You” plus their music collaboration and product endorsements.

Hinihintay naman ng marami kung susunod din si Nadine sa ginawa ng kanyang nobyong si James lalupa’t malaki umano ang impluwensiya ni James sa kanyang partner of more than three years.