Jane 'di nakilala

February 13, 2020

INTERMITTENT fasting ang sikreto ng pagpayat ni Jane Oineza, ang lead actress ng Us Again, ang love story movie ng Regal Entertainment Inc.na may playdate sa cinemas nationwide sa February 26.

Malaki ang nabawas sa timbang ni Jane kaya halos hindi siya nakilala ng ibang mga entertainment writer na dumalo sa press conference ng pelikula nila ni RK Bagatsing dahil nagkaroon siya ng prominent jawline at cheek bones.

Natatawa na ikinuwento ni Jane na nakaipon ito mula nang magdesisyon siya na magpapayat dahil kontrolado na ang pagkain niya.

“Parang marami akong na-save na pera kasi hindi ako umo-order although ‘yung mga pang-diet na food, kunwari sa isang restaurant, may options ka ng fries and burgers, may options ka ng salmon, mas mahal ‘yung salmon pero dahil lesser food, hindi rin marami ang kakainin mo.”

Naging seryoso si Jane sa pagpapapayat dahil sa realization niya na panahon na para mag-focus sa sarili.

Natutuwa si Jane sa tuwing pinupuna at pinupuri ng mga tao ang pagpayat niya na patunay na nagtagumpay siya sa goal na ma-achieve ang kanyang ideal weight.