Janine ’di pinayagan sa ‘Showtime’

January 31, 2019
Janine Gutierrez & Enchong Dee
Janine Gutierrez & Enchong Dee

SA kauna-unahang pagkakataon, pinayagan ang Kapamilya actor na si Enchong Dee na mag-guest sa top-rating and long-running noontime show ng GMA, ang “Eat Bulaga” to promote his movie with Kapuso actress Janine Gutierrez under Regal Entertainment, ang “Elise” mula sa panulat at direksiyon ni Joel Ferrer to hit the cinemas nationwide simula sa February 6, 2019.

Although isa siyang Kapamilya, excited si Enchong na lumabas sa “Eat Bulaga”.  Pero kung pinayagan si Enchong na lumabas sa noontime program ng GMA, hindi naman naging posible kay Janine na mag-guest sa “It’s Showtime” ng ABS-CBN.

Sina Enchong at Janine ay unang nagkatambal sa indie movie na “Lila” na dinirek ni Gino Santos in 2016 kaya kumportable na sila sa isa’t isa nang muli silang magtambal sa “Elise,” isang romantic-comedy based on true story.

Ayon kay Janine, isa umano si Enchong sa mga close friend niya sa showbiz na nagkataon ding isa sa mga malalapit na kaibigan ng kanyang rumored boyfriend na si Rayver Cruz na dating Kapamilya actor pero isa nang Kapuso ngayon.

Gayunman, hanggang ngayon ay ayaw pa ring lagyan ng label ni Janine ang kanilang relasyon.

“What you see is what you get,” nakangiti nitong pahayag sa kanyang solo interview na ginanap sa Papa Kim’s Korean Bakery and Coffee Shop in Tomas Morato, Quezon City last Wednesday.

Nagtataka naman ang marami kung bakit ayaw  pang umamin ng panganay na anak  ng dating mag-asawang Lotlot de Leon at Ramon Christopher Gutierrez tungkol sa kanila ni Rayver samantalang obvious naman na may relasyon na ang dalawa.  Bukod sa madalas silang makitang magkasama sa iba’t ibang okasyon, nakasama rin si Rayver sa US at Hong Kong vacation kasama ang pamilya ni Janine, indikasyon na tanggap na ang binata ng pamilya ng dalaga.

Si Rayver din ang tumayong Best Man sa second wedding ni Lotlot de Leon sa kanyang second husband, ang Lebanese businessman na si Fadi El Soury nung nakaraang December 17, 2018 na ginanap sa El Jardin de Zaida in  San Juan, Batangas.

Parehong 29 years old sina Janine at Rayver at puwede nang mag-settle down kung nanaisin ng dalawa pero pareho pa silang may mga pangarap na gusto nilang matupad para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya.

Paano kung biglang mag-propose si Rayver?

“Alam niya ang priorities ko sa ngayon,” depensa ni Janine.

Tinanong namin si Janine kung bukas ba siyang maka-trabahong muli ang kanyang ex-boyfriend na Kapamilya na ngayon na si Elmo Magalona.

Sa simula ay hesitant si Janine na ito’y sagutin.

“Huwag na lang muna.  Marami pa namang iba riyan na hindi ko pa nakakatrabaho,” pakli niya.

Mag-focus man ngayon si Janine sa kanyang showbiz career ay hindi na niya wino-worry ang kanyang pag-aaral dahil siya’y nakapagtapos ng European Studies sa Ateneo de Manila University in 2011 kaya the following year ay saka lamang siya pumasok sa showbiz.

“Yun talaga ang gusto ng parents ko na tapusin muna ang pag-aaral bago mag-showbiz na sinunod ko naman,” ani Janine who plays the title role “Elise” sa movie nila ni Enchong Dee.

Bukod sa pelikulang “Elise” na matutunghayan na sa mga sinehan on February 6, may upcoming TV series si Janine sa Kapuso Network, ang fantasy-drama na “Dragon Lady” na pagsasamahan nila nina Tom Rodriguez, Joyce Ching at Edgar Allan Guzman mula sa direksiyon ni Paul Sta. Ana.