Jennylyn, nag-level-up sa pagbe-bake

May 22, 2020
Jennylyn Mercado and Dennis Trillo

... bukod sa cookies, aktres gumagawa na ng cakes at tinapay

Dahil nga quarantine ay tigil din ang operation ng cat café nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado na Litterbucks sa Maginhawa, QC.

Kabubukas lang nito last February pero the following month ay nagkaroon na ng enhanced community quarantine because of the COVID-19 pandemic kaya no choice sila kundi pansamantala itong isara.

Pero tuloy-tuloy pa rin naman daw ang online cookie business nila at mas hands-on silang dalawa rito ngayon dahil wala silang ginagawa.

“Wala naman kasing p'wedeng mag-handle nu'n so sa ngayon ako 'yung naghahawak ng mga orders tapos delivery,” sabi ni Jen sa interview nila ni Dennis sa “24 Oras.”

“Happy naman ako na ako 'yung humahawak ng mga ganito. Tinutulungan din ako ni Dennis,” sey pa niya.

Nag-level-up na nga rin ang kaalaman ni Jen sa baking dahil nagbe-bake na rin siya ng cakes at tinapay ngayon.

Siya mismo ang nag-bake ng birthday cakes nila ni Dennis noong kaarawan nila noong May 12 at May 15.

“Ngayon halos wala namang nagbebenta ng cake so wala kaming choice. Ako rin gumawa ng birthday cake niya tapos ako rin gumawa ng sarili kong birthday cake,” sey pa ni Jen.

Hindi nga raw niya inakala na pwede pala siyang mag-bake ng tinapay.

“Hindi ko talaga ever ginagawa ‘yung tinapay. Hindi ko na-imagine na magagawa ko siya,” sambit pa ng Kapuso Ultimate Star.

Kwento naman ni Dennis, habang naka-quarantine ay madalas silang manood ng mga videos online tungkol sa pagluluto.

“Naghanap kami ng mga recipe kung paano gumawa ng mga sarili naming mga cake, saka pizza, tinapay, kung anu-ano,” sabi ni Dennis.