Jerome at pamilya, sa bagong bahay na magpa-Pasko

December 16, 2018

Para kay Jerome Ponce, successful ang taong 2018 dahil sa maraming magagandang bagay na nangyari this year.

Unang-una na nga ay ang magagandang reviews sa kanya sa seryeng The Good Son na on top of that ay nanalo pa siyang best drama actor sa 32nd PMPC Star Awards for TV last October para sa nasabing drama series.

“Success para sa akin (ang 2018),” deklara ni Jerome sa presscon ng Metro Manila Film Festival movie niyang Otlum. “I-self-claim ko na ang success kasi, nanalo. Hindi ko ini-expect. Nu’ng nominated pa lang, hindi ko ini-expect.”

“Tapos, marami ring blessings na pumunta, like ’yung house is a big blessing talaga.”

Masayang ibinalita ng aktor na natupad na ang kanyang pangarap this year para sa sarili dahil nakabili na siya ng bagong bahay na katas ng kanyang pagpapagod at paghihirap sa showbiz.

In fact, sa bagong bahay na raw sila magpa-Pasko ng kanyang buong pamilya.

“First Christmas ko sa bahay ko kasama ang buong pamilya ko. First time kong makakasama ang mga kapatid ko. Wala na, ’yun na ’yung pinakaaabangan ko sa pangarap ko.

“Kaya nagpapasalamat ako sa lahat ng mga taong nasa likod ng pinagdaanan ko. Career, mga endorsement, maraming salamat,” masayang sabi ni Jerome.

Kumusta naman sila ng girlfriend niya, ang volleyball player na si Mika Reyes?

“Mahal ko pa rin siyempre, love ko pa rin,” matamis ang ngiting sagot ng aktor.

“It’s been two years and more at mas lalo naming nakikilala ang isa’t isa. And mas lalo naming naiintindihan na life goes by, pangit naman kung malungkot. So, intindi-intindi. ’Yun, lagi kaming magkasama. Tsine-cherish namin ’yung time na meron kami para lang magkasama kami,” saad niya.

Pareho rin kasi silang busy ng girlfriend sa kani-kanilang karera. Kung may volleyball game raw ito at kung may time siya ay nanonood daw siya.

“’Pag wala -- minsan may shooting, may dalawang movie akong ginagawa -- minsan, sa phone na lang.”

Sa pelikulang Otlum ay isa sa mga bida si Jerome at kasama niya sina Michelle Vito, Vitto Marquez, Buboy Villar, Danzel Fernandez at UP Fighting Maroons basketball player na si Ricci Rivero.

Masaya siya na may pelikula siya ngayon for MMFF dahil year 2015 pa raw nang huli siyang sumali sa festival via Regal Entertainment’s Haunted Mansion.