Jessy, pinaiyak ni Ate Vi

December 18, 2018
Jessy Mendiola

sa episode ng Magandang Buhay kahapon ay pinaiyak ng Star for All Seasons at Batangas congresswoman na si Vilma Santos ang future manugang niya na si Jessy Mendiola.

Guest si Jessy sa naturang episode at sorpresang nag-phone patch interview si Ate Vi na talaga namang ikinagulat at ikinatuwa ng aktres.

Diretsahang tinanong ni Karla Estrada si Ate Vi kung gusto na ba niyang maging daughter-in-law si Jessy.

“Hindi naman ako ang magdedesisyon, pero siyempre naiinip na rin ako dahil ang feeling ko, kung ’yun ay para sa kanilang dalawa sana ay go na.

“Pero at the end of the day, uulitin ko lang, ang huling magdedesisyon, silang dalawa, kasi silang dalawa talaga ang magsasama. Pero kung sila naman, sana, sana matuloy na,” ang pahayag ng Star for All Seasons.

Ang ganda rin ng sinabi ni Ate Vi tungkol sa magandang samahan nina Luis at Jessy at kung bakit click ang dalawa.

“Siguro sa tingin ko, every time na they’re here with me, sa lahat ng kalokohan ng anak ko, ang unang-unang tumatawa, si Jessy, eh,” sey ni Ate Vi.

“And then, ’pag magkasama sila, cool lang naman si Jessy. ’Coz she has a very charming personality. So, siguro, kahit paano, nagsa-swak ’yung character nilang dalawa ng anak kong si Lucky.

“Kasi si Lucky, let’s face it, ilang taon na rin ang anak ko, 37. Jessy is 26. So mayroon silang age gap. So, siguro ’yung age gap na ’yon, ’yung in between, nagku-compliment sila sa isa’t isa. So, I think doon silang dalawa nagki-click,” she said.

Nahingan din ng hosts ng advice si Vi para kay Jessy pagdating sa pag-ibig at aniya, pinaka-importante  talaga ay respeto sa partner.

“There is no such thing as adjustment period. The whole time of the relationship, adjust kayo nang adjust sa isa’t isa. Kailangan, nagsusuportahan kayo kasi habang tumatagal, nag-iiba-iba ang ugali niyo. Iba na rin ’pag may anak, iba na rin ’pag nagka-edad. So, talagang dapat adjust nang adjust. Pero babagsak pa rin ’yon sa respeto sa partner mo,” ani Vi.

Sa bandang huli ay ginudlak ni Vi si Jessy sa Metro Manila Film Festival entry nito na The Girl in the Orange Dress with Jericho Rosales at nag-invite pa sa manonood na panoorin.

Dito na napaiyak si Jessy.

“Sa lahat naman, puwede bang mag-imbita? Sana, mapanood n’yo naman si Jessy, kasi sometimes, mahirap tayo maghusga sa tao dahil lang sa nakikita natin.

“Pero ang importante, dapat, kilalanin n’yo muna ’yung tao. At ’pag sinuportahan n’yo si Jessy, tandaan n’yo sasabihin ko, hindi kayo magsisisi,” sey ni Ate Vi.

Sobrang thankful ni Jessy sa magagandang salita na binitiwan ng future mother-in-law sa kanya.