Jinggoy, naseksihan kay Kim

February 08, 2019

GAME na game na nakipagbiruan ang dating senador na muling tumatakbo sa May polls na si Jinggoy Estrada sa entertainment press last Wednesday bilang advance celebration na rin ng kanyang kaarawan sa Feb. 17.

Natanong kasi siya kung sino ang gusto niyang maging leading lady kung sakaling magbalik-pelikula siya at sey niya, hindi na niya kilala ang mga bagong artistang babae.

Ang mga kilala raw niya ay sina Sharon Cuneta na mga kasabayan niya.

Napunta ang usapan kay Kim Domingo na dumalaw sa kanila ni former Sen. Bong Revilla noong nakakulong sila at inamin naman ito ni Sen. Jinggoy.

Natatawang sabi niya, “Sexy pala.”

Asked kung sino pa ang ibang dumalaw, aniya, wala na.

“Wala akong nakikita. Kami lang ni Bong ang araw-araw nagkikita. Saka mga asawa namin. Dalawang tao lang ang masaya noong nakulong kami, eh. Si Lani (Mercado) at saka si Precy (Ejercito), alam nila kung saan kami pupuntahan, eh,” biro pa ni Jinggoy.

Natanong nga rin namin siya kung nakapag-second honeymoon na ba sila ni Precy mula nang nakalabas siya at aniya ay oo naman.

“Nagpunta kami sa US, pinayagan ako ng Sandiganbayan, nagpunta na kami sa Hong Kong,” aniya.

Sa Valentine’s Day, hindi pa raw niya sure kung makakapag-date sila dahil nag-iikot nga siya ng bansa para mangampanya.

Kung nasaan siya, malamang ay papuntahin na lang niya si misis para makapag-celebrate sila ng Araw ng mga Puso.

Sa seryosong usapan, ani Jinggoy, kabado siya sa eleksyon sa Mayo dahil hindi raw naman kaila sa lahat na nadungisan ang pangalan niya nang kasuhan siya ng plunder at makulong.

“Ako’y ninenerbyos dahil alam n’yo naman ‘yung ginawa sa amin nun’g nakaraang administrasyon, talagang napagkaisahan kami, talagang sinira ‘yung aming... at dinungisan ‘yung aming pangalan kaya kailangan sigurong magsipag sa darating na kampanyahan,” he said.

Birthday wish niya, siyempre, manalo siya gayundin ang anak niyang si San Juan Vice Mayor Janella Ejercito na tumatakbong mayor ng naturang lugar at ang ama niyang si Manila Mayor Joseph na reelectionist.