Jiro kinasuhan na ng frustrated murder

January 18, 2020
Jiro Manio

SIGURADONG isa si Ai-Ai de la Alas sa nalungkot dahil sa nangyari sa dating child actor na si Jiro Manio (27) na nakakulong ngayon sa Marikina Police Station matapos manaksak sa isang nagngangalang Zeus Doctolero sa isang restaurant in Marikina nung Biyernes ng gabi, January 17.  

Isinugod sa pagamutan si Doctolero habang si Jiro naman ay dinala sa sa presinto kung saan siya kinasuhan ng frustrated murder.  Nagpa-blotter rin sa Marikina Police Station ang may-ari ng carinderia na nagngangalang Evelyn Vinopsa dahil sa ginawa ni Jiro.

Taong 2015 nang tulungan ni Ai-Ai si Jiro na madala sa isang rehabilitation center in Bataan matapos itong mamataang pagala-gala na tila wala sa sarili sa NAIA Terminal 3.

Dapat ay nasa rehab pa umano  Jiro pero ang mga kamag-anak nito ang nag-desisyon na ilabas na ang dating child actor sa pag-aakalang magaling na ito. Bumitaw na rin si Ai-Ai ng pagtulong kay Jiro  na tila ayaw namang sumunod sa kanya.

Magmula nang umalis sa rehab si Jiro ay wala na umanong  balita sa kanya si Ai-Ai.

Sa edad na 27, bata pa si Jiro para sayangin ang kanyang buhay.  Gusto man siyang tulungan ng ilang nagmamalasakit sa kanya tulad ni Ai-Ai, ayaw namang tulungan ni Jiro ang kanyang sarili.

Isa sa mga frustrations ni Jiro ay ang makita at makilala ang kanyang biological father sa Japan na si Jusuke Katakura.  Si Joylene Santos naman ang ina ni Jiro at meron siyang half younger brother na si Anjo Santos.

Dahil sa nangyayari ngayon kay Jiro, marami ang nagtataka kung bakit hindi nagsu-surface ang ina ng actor para tulungan at gabayan  ang napapariwarang anak.

Si Jiro ay may dalawang anak na parehong babae sa naging kasintahan nito.