JK, idinepensa ang pagmumura at pagdi-dirty finger sa nanigaw na fan

March 07, 2019
Juan Karlos Labajo

PALABAN ang singer na si Juan Karlos Labajo sa mga kritiko niya.

Inilabas niya sa kanyang Instagram stories ang saloobin sa mga kritikong netizen na tumuligsa sa kanya.

Kaugnay ito ng pinagpistahang video ng netizens nang murahin at bigyan niya ng dirty finger ang fan na sumigaw sa kanya ng, “I love you, Darren!” sa katatapos na Rakrakan 2019: 2 Days of Love, Peace & Music sa Circuit, Makati City.

Narito ang ilang bahagi ng IG story ng singer sa likod ng super hit na Buwan:

“’Wag ka manghusga ng tao dahil lang sa mga video na nakikita mo. Lalo na kung hindi mo alam ang tunay na konteksto. Tsaka hindi porket nagmumura, masama na ang ugali, lumaki na ang ulo.

“Linis-linis niyo naman mga santo pala kayo.

“Sa Pilipinas lang pinaka big deal ’pag nagmumura ang isang artist. Bakit kaya? I’m a chill guy but then for sure hindi lang ako ang tao na napupuno rin.

“Obviously as a performer, what I did was unprofessional but as a human being, I think what I did was normal. ’Yun ’yung problema, eh, sobrang daming bastos at walang modo sa mga show. Naghahanap kayo ng paraan para mapansin. Mga asal hayop.

“Kaya pala hindi umuunlad ang ating bansa.”

Matatandaang last year, nagkaroon ng Twitter war sina Juan Karlos at Darren Espanto tungkol sa umano’y tweet ng una regarding gayness issue.

Itinanggi ito ni JK na hindi siya ang gumawa nu’n dahil na-hack ang account niya.

Hindi naman ito pinaniwalaan ni Darren.

Take note, kapwa produkto ng singing search sina JK at Darren nu’ng bata pa sila.