John 'di sinabi kung bakit matindi ang galit kay Phillip

March 11, 2020

KUNG mapapanood ni Phillip Salvador ang mga rant ni John Regala laban sa kanya, tiyak na matatawa lang siya or posibleng awa ang pairalin niya.

Halos labing-isang minuto ang haba ng video na pinag-aksayahan ni John na i-record para batikusin si Phillip na malaki ang naitulong sa kanya noong kapwa pa sila mga aktibo sa paggawa ng pelikula.

Para sa mga mahihilig sa showbiz scandal at controversy, big deal ang paghahamon ni John kay Phillip pero kung matalino at malawak ang pang-unawa ng mga makakapanood sa video, awa kay John ang sigurado na mangingibabaw sa kanila dahil walang direksyon ang  mga pahayag ng embattled actor.

Hindi  sinabi ni John ang tunay na ugat ng galit nito laban kay Phillip na diumano’y pinagpaplanuhan siya.Ni hindi binanggit ni John ang plano na gagawin ni Phillip na ikinagagalit niya.

Base sa video na ginawa ni John, kailangan niya ng pang-unawa at higit sa lahat, ng professional help dahil tila dumaraan siya sa depression.