Judy Ann may mga gustong makatrabaho sa kabilang network

November 04, 2019
Judy Ann Santos

NATUTUWA ang Teleserye Queen na si Judy Ann Santos sa successful collaboration ng mga stars and talents sa magkalabang TV networks sa paggawa ng pelikula na ang recent most successful pairing ay sa pamamagitan ng team-up nina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa pelikulang “Hello, Love, Goodbye” na dinirek ni Cathy Garcia-Molina and produced by Star Cinema.  Ang nasabing pelikula ay siya ngayong may hawak ng highest local grossing film of all time matapos itong kumita sa takilya ng halos isang bilyong piso (including international screenings).

Nakagawa na rin sa Star Cinema at maging sa subsidiary nitong Black Sheep Productions at iba pang Kapuso stars and talents tulad nina Dingdong Dantes,  Jennylyn Mercado, Dennis Trillo at maging si Maine Mendoza.  Ang “Ang Probinsyano” lead actor and co-director na si Coco Martin ay katrabaho rin sa pelikula ang ilang actors na identified sa Kapuso network.

Kung sa telebisyon ay tila malabo pang magsama ang mga talents mula sa rival TV networks, nagiging posible naman ito sa pelikula.

Sa case ni Juday, hindi nito ikinakaila na gusto rin niyang makatrabaho sa pelikula ang ilang stars ng GMA tulad nina Heart Evangelista at Marian Rivera. Although nakatrabaho na niya ang Megastar na si Sharon Cuneta sa pamamagitan ng “Magkapatid” movie in 2002, gusto pa rin niya itong makatrabaho gayundin ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.