Julio ayaw nang tulungan ng pamilya at mga kaibigan sa showbiz

January 12, 2019
Julio Diaz
Julio Diaz

SA darating na  April 20 ay mag-iisang taon nang nakakulong ang veteran actor na si Julio Diaz (Mariano de Leon Regaliza sa tunay na buhay) sa provincial municipal jail ng Malolos, Bulacan matapos itong mahuli ng mga operatiba nung April 20, 2018 sa Meycauayan, Bulacan  na may kinalaman sa droga.

Kung tutuusin, bailable  ang kaso ni Julio pero ayaw na raw siyang tulungan ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Ang gusto umano nila ay magtanda at matuto ang actor.  Ilang beses na nga namang nabigyan ng pagkakataon si Julio at kasama na rito ang tulong na ipinaabot sa kanya ng mga kasamahan niya sa industriya.  Si Coco Martin ay nagbigay na sa kanya ng panibagong pagkakataon na muling makabalik ng showbiz sa pamamagitan ng “FPJ's Ang Probinsiyano” pero ito’y sinira ni Julio dahil sa muling pagkaka-involve sa droga.

May balita na sa halip na  pera ang ibigay sa kanya ni Coco at ibang kaibigan ngayon ay gamot at pagkain na lamang.  Wala pa raw kasing kasiguraduhan kung ito’y nagbago na sa kanyang halos siyam na buwang pagkakakulong.  

Last November 18 ay nag-birthday si  Julio sa loob ng kulungan.  Dinalaw umano ito ng ex-wife na si Maricel at anak nilang si Kari.

Si Maricel ay isang flight stewardess at anak ng veteran actress na si Marita Zobel.