Kahit busy naglalaan ng oras para sa isa't isa sina Sarah at Matteo

July 11, 2019
Sarah Geronimo & Matteo Guidicelli

SANDALI namin nakausap ang triathlete, singer-actor, entrepreneur na si Matteo Guidicelli sa formal launching ng iflix at Viva partnership last Wednesday evening na ginanap sa 29th level ng Arthaland Century Pacific Tower in Bonifacio Globan City.  Kitang-kita ang pagiging lean ng kanyang katawan magmula nang lumabas siya sa month-long training as army reservist na ginanap sa Camp Tecson in San Miguel, Bulacan.

Marami raw siyang na-realize habang siya’y nasa loob ng kampo at lalo umanong nadagdagan ang kanyang paghanga at respeto sa mga sundalo sa rami ng isinasakripisyo (including their families and their own lives) nang dahil lamang sa kanilang paglilingkod, pagmamahal  at pagtatanggol sa bayan.

Inamin din ni Matteo na kamuntik siyang umatras sa  unang apat na araw sa sobra umanong hirap ng kanyang pinag-daanan at ng kanyang mga kasamahan.  Pero titiisin mo raw talaga ang hirap, discomfort, pagka-gutom, kulang sa tulog,ang hindi pagligo ng ilang araw kapag ikaw ay naka-assign sa giyera at iba pang mga pagsubok.  At kahit isang buwan lamang umano siya nag-training, it makes him understand ang pinagdadaanan ng mga sundalo para lamang magampanan ang kanilang tungkulin.

Ngayong nakalabas na siya ng kampo ay sumabak agad si Matteo sa trabaho at kasama na rito ang isang major movie project under Viva Films na siya mismo ang pangunahing bida.

Ang maganda kay Matteo, kaya niyang ibalanse ang lahat – ang kanyang pagkahilig sa iba’t ibang sports, singing, acting at maging sa kanyang pagiging isang successful entrepreneur at higit sa lahat, ang kanyang pagiging kasintahan ng Pop Star na si Sarah Geronimo  kung kanino siya parati naglalaan ng oras.

“Love” ang term of endearment ng long-time sweethearts na sina Matteo at Sarah.