Kahit umaming laos, sikat na sikat pa rin

February 09, 2019

PINAGSAMA-SAMA ng Viva Live para sa isang major concert sa Big Dome (Araneta Coliseum) sa March 1 (Friday) at 8 p.m. ang anim na hitmakers/veteran performers kasama ang isang fast-rising singer-composer/hitmaker.

Pinamagatang “Playlist: The Best of OPM,” ito’y tatampukan ng dating lead vocalist ng Side A Band na si Joey Generoso, dating lead vocalist ng Freestyle Band na si Jinky Vidal, ang original member ng South Border na si Jay Durias (na siya ring tatayong musical director ng concert), ang frontman ng TrueFaith na si Meds (dating Medwin) Marfil, Ice Seguerra, Juris Fernandez at ang bagitong si Janine Tenoso na siyang nagpasikat ng awiting “Di Na Muli” na naging theme song ng hit movie ng Viva Films last year, ang “Sid and Aya (Not A Love Story)” na pinagbidahan nina Anne Curtis at Dingdong Dantes.

Although kumalas na sa kanilang band  at  nagsosolo na sina Joey G. at Jinky, nananatili pa rin si Jay sa South Border Band at maging si Meds sa TrueFaith. But they can collaborate with other artists as solo performers kung kinakailangan tulad nitong “Playlist: The Best of OPM” sa Araneta Coliseum.

Bagama’t inamin ni Jay na “laos na” ang Southborder, para sa kanilang mga tagahanga ay nananatili silang sikat at ang kanilang mga awitin ay buhay na buhay pa rin. Sa mga karaoke bar, maririnig pa ring kinakanta ang kanilang mga awitin tulad ng “Kahit Kailan,” “Rainbow”, “Love of My Life” at marami pang iba.

Samantala, naglabas na rin ng bagong album ang TrueFaith ng magkapatid na Meds at Eugene Marfil (na siyang nag-accompany with his guitar nang magbigay ng sample si Meds nang hapong ‘yun sa Music Hall kung saan ginanap ang presscon).

May bago ring single si Jinky, isang upbeat Taglish song na kung mabibigyan lamang ng magandang airplay ay tiyak na sisikat din tulad ng kanyang mga awitin with Freestyle tulad ng “Bakit Ngayon Ka Lang,” “So Slow” at iba pa.