Kasikatan bilang ‘Pinuno’ sa ‘Probinsyano,’ walang kinalaman sa pagtakbo ni Lito

February 20, 2019
Lito Lapid

NAGWAKAS na ang character ni Senator Lito Lapid sa Ang Probinsyano dahil na rin tatakbo siya sa May 19 elections bilang senador.

Eh, bukod sa pagiging “Pinuno” sa series, fight director din siya roon.

Wala mang direktang pahayag ang bidang si Coco Martin kung tutulungan siya sa kampanya, ang pabaon  nitong salita ay, “Good luck sa akin. Pagbutihin ko raw at galingan ko,” saad ni Sen. Lito sa chikahan niya with the showbiz press kahapon.

Wala naman daw kinalaman ang pagiging sikat niya sa series kaya nagdesisyon siyang tumakbo uli sa Senado.

“Hindi naman. Marami pa kasi akong panukala na isinumite, almost 600, na gusto kong ipagpatuloy para sa kababayan nating mahihirap.

“May napasa naman tayong batas, ’yung Lapid Law, ’yung legal assistance. Medyo bitin at gusto kong ituloy.

“Siyempre, nagpapasalamat ako kay Coco at sa mga kasamahan ko sa Probinsyano. Parang napapalitan na nga ang pangalan ko. Ang tawag nga sa akin ngayon ay ‘Pinuno’,” paliwanag ni Sen. Lito.