Katamlayan ng local box office, nakakaalarma!

February 09, 2019

NAKAKAALARMA na ang katamlayan na nangyayari sa local films na ipinalalabas. After ng 2018 Metro Manila Film Festival (MMFF), tila wala pang local film na tumabo talaga sa takilya, huh!

Eh, ang ikinaloloka pa ng ilang producers, pull out agad ang movie nila sa cinemas after a day or two at hindi na umaabot sa weekend.

Pull out agad kahit maganda ang pagkakagawa ng pelikula.

Sa totoo lang, mula nang magsara ang Sampaguita Studios at iba pang giant companies, pumasok ang Regal Films at nagkaroon ng sigla ang film industry. Sinundan ito ng Viva Films, Seiko Films at iba pang mga kumpanya.

Masiglang-masigla ang movie industry nu’ng panahong ’yon. Lahat may trabaho.

Hanggang nagsulputan ang TV networks. ’Yung hiniram na Regal Babies, eh, ikinontrata ng networks.             

Nabuhay ang telebisyon at nagkaroon pa ng network war.

Pero nabawasan ang nanonood ng sine. Nasanay na rin kasi ang publikong panoorin na lang ang mga artista sa TV.

This time, hindi lang TV ang kalaban ng movie industry. Nariyan na rin ang malalaking foreign movies at ’yung mga napapanood sa digital platform gaya ng Netflix at iba pa.

Pati nga networks ngayon, pinasok din ang digital platform kung saan bida ang kanilang mga artista.

Of course, it cannot be denied na may mga puwersang gustong kontrolin ang ating industriya.

Eh, sa panig naman ng cinema owners, ’yung interes nila ang gusto nilang protektahan kaya mas pinapaboran nila ang foreign films kesa sa local films.

Palawak nang palawak ang problema ng local producers.

Kapag tumiklop na sila sa film production, maraming tao ang nganga sa trabaho. Gusto ba nating dumating ang oras na ’yon?

So, eleksyon na naman sa Mayo. Heto na naman ang ilang politicians na nagsasabing tutulong sila sa ating industriya.

Of course, ’yung politicians na taga-showbiz, kaya nilang tuparin ’yon.

Pero kailangan pa rin ng mas malakas na puwersa upang maayos nang mabuti ang problemang dinaranas ngayon ng ating producers.

Hindi sapat ’yung nagsasalita lang tayo.

Magkapit-kamay ang lahat ng nagtatrabaho sa movie industry nang sa gayon, eh, makarating ang ating hinaing kay Pangulong Duterte.