Kathryn, na-recharge sa pagdalaw ni Daniel

November 23, 2018
Kathryn Bernardo and Daniel Padilla

Hindi nagpakabog si Kathryn Bernardo kina Ormoc City Mayor Richard Gomez at Sharon Cuneta sa pagsagot sa mga tanong ng press people sa presscon ng Three Words to Forever, ang pelikula ng tatlo sa Star Cinema na showing sa November 28, sa direction ni Cathy Garcia-Molina.

Mahusay din ang mga sagot ni Kathryn sa bawat tanong ng mga reporter at inamin niya na nanibago siya nang i-offer ang pelikula dahil first time niyang makasama ang dalawa.

Pero nang marinig daw niya ang story ng Three Words to Forever sa storycon, gandang-ganda siya  at gusto niyang gawin.

“Nangapa ako sa first shooting day dahil out of town ang location at first movie ko na hindi si DJ (Daniel Padilla) ang kasama ko.

“Pero tinutulungan ako ng mga kasama ko at ni Direk Cathy, inalagaan niya ako at grabe ang binigay niya sa movie.

“Kaya sumigaw ako nang makita ko si DJ nang dumalaw siya sa shooting, parang na-recharge ako nang makita ko siya,” sabi ni Kathryn.

Sa tanong kung hindi ba siya na-pressure na matapatan ang box-office gross ng Three Words to Forever ang gross ng The Hows Of Us nila ni Daniel na considered the highest-grossing Filipino film as of today, sinabi niya, “Family movie ang Three Words to Forever. Ang ganda-ganda ng material, happy ako sa material at gusto ko siyang mapanood ng marami.

“Gusto kong ma-touch ang manonood nito. Bonus na lang kung ilang milyon man ang kikitain,” wika ni Kathryn.

Nagustuhan din ng press ang pagiging totoo ng batang aktres nang aminin na wala siyang napanood na movie nina Richard at Sharon.

Ang napanood daw niya ay individual movies ng dalawa at nagustuhan niya ang mga ’yun.

Nabanggit din ni Kathryn na right timing ang showing ng Three Words to Forever dahil National Family Day sa Nov. 28 at pa-birthday na rin daw kina Direk Cathy at Joross Gamboa na kasama rin sa pelikula.