Katrina 'di pinaniwalaan ng ama ang talento

November 30, 2018
Katrina Velarde
Katrina Velarde

HINDI itinatago ng 24-year-old fast-rising singer-performer na si Katrina Velarde na mas kilala ng publiko as “Suklay Diva” na meron siyang two-year-old son out of wedlock na siya niyang inspirasyon along with her poor family para maabot niya ang kanyang mga pangarap sa buhay.

Sa invitation ng dati kong officemate sa Vicor Music Corporation and OctoArts International na isa na ngayong executive ng Viva Communications na si Baby Gil, pinanood namin ang last gig ni Katrina sa Music Hall in Metrowalk last Wednesday where she regularly performed for over a year at nagkaroon na siya ng loyal following.  Katunayan, punumpuno ang Music Hall last Wednesday evening kaya marami ang nalungkot na hindi na nila siya mapapanood sa nasabing venue dahil paghahandaan na nito ang kanyang first major concert na magaganap on February 1, 2019 sa New Frontier Theatre (formerly KIA Theatre) to be produced by Viva Live.  Isa sa special guest performers sa concert debut ni Katrina ay ang kanyang mentor sa “X-Factor Philippines” at mister ng kanyang present manager na si Angeli Pangilinan-Valenciano na si Gary Valenciano.  Bukod sa kanyang first major concert ay kinukumpleto na rin ni Katrina ang kanyang debut album under Viva Records.

Si Katrina ay co-managed ng Manila Genesis ni Angeli Pangilanan-Valenciano at ng Viva Artists Agency (VAA).

Ngayong December ay busy si Katrina sa mga corporate show including Chriistmas parties.

Katrina was only three years old nang mapansin ng kanyang ina na may taglay itong magandang boses bagay na hindi agad pinaniwalaan ng kanyang ama.  She was seven years old nang magsimula siyang sumali sa mga amateur singing contest at dito siya nagsimulang makatulong sa kanyang pamilya.  As a kid, tumutulong din siya sa kanyang ina na magtuhog ng mga sampaguita para makatulong sa kinikita ng kanyang ama na isang karpintero.  Hindi ikinakaila ni Katrina na sila’y nakatira dati sa isang squatters area in Tondo bago sila nakalipat sa isang nirerentahang apartment in Novaliches, Quezon City.  Ngayon ay may hinuhulugan siyang pre-selling town house in Caloocan na balak niyang lipatan with her family in 2020.  Pagkatapos ng bahay ay saka naman niya pag-iipunan ang pagkakaroon ng sariling sasakyan na kakailanganin niya sa kanyang trabaho. Si Katrina ay pang-apat sa anim na magkakapatid at siya ngayon ang tumatayong breadwinner sa kanyang pamilya.  Sa kanilang anim na magkakapatid, inamin ni Katrina na siya lamang umano ang `makapal ang mukha’ na maagang sumali sa iba’t ibang amateur singing contests sa iba’t ibang fiesta celebrations laluna sa Batangas.

Ayon kay Katrina, dumating pa umano sa point na nag-renta umano sila ng apartment sa Batangas para lamang sumali sa mga singing contest doon at masuwerte naman na parati siyang nananalo.

She was 15 nang siya’y sumali sa “The X-Factor Philippines” at nakapanabayan niya ang grand winner na si KZ Tandingan in 2012.  Hindi man nanalo si Katrina sa nasabing patimpalak, ito naman ang naging simula ng maganda niyang kapalaran. Napasama siya sa dalawang shows noon ng TV5, ang “Trenderas” at “Wattpad Presents…”  Naging in-demand din siya sa iba’t ibang corporate shows at madalas din siyang isama ni Gary V. sa kanyang concerts here and abroad.  Siya rin ang napiling kumanta ng theme song ng “Honesto” and have guested in two of Gary V’s albums.

Hindi din ikinakaila ni Katrina na idol niya ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez at hindi siya halos makapaniwala na nalapitan at nayakap niya ito backstage sa Nov. 24 concert nito ng “Regine at the Movies” sa New Frontier Theatre kung saan nito naging special guest ang megastar na si Sharon Cuneta.  It was Regine’s husband Ogie Alcasid who introduced her to Regine at heaven umano ang kanyang pakiramdam na nalapitan at nayakap niya ang kanyang idol.

Hindi ikinakaila ni Katrina na pangarap niya na maka-share on same stage si Regine balang araw.  Paborito ring kantahin ng Suklay Diva ang mga awitin ni Regine.

Samantala, tinawag siyang Suklay Diva dahil madalas umano siyang gumamit ng suklay kapag siya’y nagre-rehearse ng kanta gamit-gamit ang suklay bilang props as microphone.  Nag-viral ito nang ito’y kanyang i-upload.

Kung dati-rati’y hindi naniniwala ang ama ni Katrina na may talent siya sa pagkanta, ngayon ay ito na ang kanyang kasa-kasama sa kanyang mga lakad.