Kim, JC at Dennis, game sa Mystery Box Challenge

December 10, 2018
JC de Vera, Kim Chiu & Dennis Trillo

Kakaiba ang promo ng Regal Entertainment para sa MMFF entry nilang One Great Love dahil sa Mystery Box Challenge na talaga namang nakakatawa.

Mapapanood ang video sa YouTube channel ni Kim Chiu kung saan game na game sa challenge sina Kim, Dennis Trillo, JC de Vera, Miles Ocampo, Marlo Mortel at Direk Eric Quizon.

Nakakatawa, nakakakilig at mapapasigaw ang manonood sa video at walang kaarte-arteng nag-participate ang cast.

Napapanood kung gaano sila nag-enjoy sa paghula kung ano ang nasa mystery box.

Sa presscon, naikwento ni Dennis na pinag-usapan nila ni JC na swerte sila to be working with Kim dahil walang arte, professional at magaling.

Binuking din ni Dennis na daig pa ni Kim ang producer sa sobrang tutok sa shooting ng One Great Love. Nabanggit naman ni Eric na pati theme song ng movie, si Kim ang pumili at nagustuhan niya nang i-suggest na ang Dating Tayo ang gawing theme song.

Dahil hindi pa napapanood ang One Great Love, wala pang makapagsabi kung gaano kahusay si Dennis sa role ni Ian. Kaya ang husay muna niya sa Cain at Abel ang pinag-uusapan bilang si Elias.