Korean director at producer ng 'Miracle,' pinuri ang pinoy version

December 19, 2019

PURING-puri ng direktor at producer ng original Korean movie na "Miracle in Cell No. 7" ang pagkaka-adapt nito in Filipino.

Narito sila para tumulong sa pagpo-promote ng naturang MMFF entry ng Viva Films.

Si Director Lee Hwan-kyung, na isa ring screenwriter, ay graduate ng Seoul Institute of the Arts, isa sa premiere art schools in South Korea. Nanalo siyang Best New Director para sa pelikulang “Lump Sugar” sa 2006 Chunsa Film Art Awards. Noong 2013, nanalo naman siya ng Best Screenplay at the Grand Bell Awards for “Miracle in Cell No. 7."

Ang producer na si Kim Min-ki naman ay nakatanggap ng kanyang Masters Degree in Film Planning in France. Ang malaking tagumpay ng “Miracle in Cell No. 7”, starring Ryu Seung-ryong, ang nagpakilala sa kanya sa South Korean film industry.

Ayon kay Director Lee Hwan-kyung matapos mapanood ang Filipino version na dinirek ni Nuel Naval, sana raw ay ganoon din ang ginawa niyang ending sa original. Pinuri rin nila si Aga Muhlach bilang pangunahing aktor dahil pinabayaan daw nitong mag-shine ang mga kasama sa pelikula, hindi katulad ng original Korean actor na mas gustong sa kanya naka-focus ang pelikula.

May kanya-kanyang moment ang mga nakasama ni Aga sa loob ng kulungan, na kinabibilangan nina Joel Torre, JC Santos, Mon Confiado, Jojit Lorenzo at Soliman Cruz.

Mahusay rin ang batang gumanap bilang Yesha na si Xia Vigor.

Samantala, gusto ng mga Korean director at producer na makipag-collaborate in future projects with Viva Films with mixed Korean and Filipino directors.