Kyline, lucky charm ng Symply G

February 18, 2019
Kyline Alcantara

Itinuturing na lucky charm ng Symply G Marketing (makers of Symply G Hair & Skin Care) ang bida ng Inagaw Na Bituin na si Kyline Alcantara.

Mula nang maging brand ambassadress si Kyline ng Symply G, lumakas daw ang kanilang sales at nagkasunud-sunod din ang natatanggap na karangalan bilang patunay sa magandang kalidad ng kanilang produkto.

“Hindi kami nagkamali sa pagkuha kay Kyline bilang brand endorser ng aming produkto,” tinuran ng marketing manager na si Marlon Fajardo.

“Since then, nag-increase ang aming sales. Malaking bagay ’yung suporta ng mga Sunflower (tawag ni Kyline sa kanyang mga tagahanga). Kuntento kami sa kanya bilang Symply G endorser.”

Ginawaran ng 39th People’s Choice Dangal ng Bayan Awards ang Symply G bilang Consumer’s Choice, Seal of Excellence, Gold Seal of Quality, Best Brand, People’s Choice: Corporate/Product at Consumer’s Quality.

Samantala, kasabay halos ng awards ng Symply G, tumanggap naman si Kyline ng karangalan bilang Promising Female Concert Performer sa 50th Box-Office Entertainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation (GMMSF).

Ang seryeng pinagbibidahan naman nila ni Therese Malvar na Inagaw Na Bituin, napapanood sa Afternoon Prime ng GMA, humahataw sa ratings game simula nang ito’y umere last February 11.