Leni gusto pa ring bumalik sa isang kundisyon

May 01, 2019
Leni Santos
Leni Santos with her children Jappy and Nika Salvador

PAREHONG artistahin ang dalawang anak ng actress na si Leni Santos sa kanyang ex-husband na si Jeffrey Salvador (from the famous Salvador clan) na sina Nika (26) at Jappy (23).

Leni is currently based in Las Vegas, Nevada with daughter Nika habang ang kanyang bunsong anak ay nasa US Air Force based in Japan.

Hindi rin ikinakaila ni Leni na part na ng kanyang pagkatao ang showbiz dahil dito siya nagsimula at nakilala. Given the chance ay gusto pa rin niyang umarte kung mabibigyan lamang umano siya ng guaranteed projects.

“Mahirap kasi umasa kung kelan darating ang `yong next project,” aniya.

“Siyempre kapag bumalik ako riyan, I have to give up my regular job here (in Las Vegas) kaya ang gusto ko sana ay mabigyan ako ng siguradong proyekto kung puwede dahil ayoko naman na pagkatapos ng isang project maghihintay ka na naman ng matagal at hindi ka pa sigurado kung kelan darating ang iyong next project,” paliwanag niya.

Nakilala nang husto si Leni bilang TV actress sa pamamagitan ng “Anna Liza” soap opera na tumagal sa ere ng mahigit limang taon at pinagbidahan ng yumaong teen star na si Julie Vega kasama sina Rey `PJ’ Abellana, the late Renato del Prado at Edgar Mande.  Sa nasabi ring serye nagsimula ang kanilang loveteam ng ama ni Carla Abellana.

“Maganda siguro kung magkakasama kami sa isang project nina PJ at Carla,” suhestiyon ni Leni nang magkita kami sa Rio All-Suite Hotel and Casino in Las Vegas, Nevada last April 24.

Bumalik sa bansa si Leni in 2014 nang gawin niya ang teleseryeng “More Than Words” kasama ni PJ Abellana na pinagbidahan ng dating magka-loveteam at magkasintahan na sina Janine Gutierrez at Elmo Magalona under GMA-7.