Lihim nina Kylie at Aljur nabunyag na

December 14, 2018
Aljur Abrenica and Kylie Padilla
Aljur Abrenica and Kylie Padilla

TALAGANG isinikreto ng mag-asawang Aljur Abrenica at Kylie Padilla ang kanilang intimate Christian wedding ceremony na ginanap sa Villa Milagros Mansion and Gardens, isang ancestral house ng mga Liamzon  in Rodriguez (formerly Montalban), Rizal last Tuesday night, December 11, 2018. Nalaman lamang ito ng publiko pagkatapos ng kanilang kasal.  Sa nasabi ring lugar ikinasal ang Starstruck Ultimate Survivor-turned Kapuso actor na si Mike Tan sa kanyang non-showbiz wife na naging kasintahan niya sa loob ng 12 taon.

Masayang-masaya ang ama ni Kylie na si Robin Padilla dahil tinupad ng dating Kapuso actor na ngayon ay isa nang Kapamilya na si Aljur Abrenica ang kanyang pangako na pakasalan ang kanyang anak.

Talagang meant to be ang young couple na sina Aljur at Kylie. Matapos magsimula ang kanilang love affair nung 2011 ay nagkahiwalay sila nung 2014 at sumingit naman sa kanilang pagitan si Chef Matt Henares (anak ng mag-asawang Ronnie at Ida Henares) pero hindi nagtagal ang relasyon nito kay Kylie.

Dahil pareho pa noong Kapuso sina Aljur at Kylie ay hindi maiwasan ang kanilang pagkikita pero nung September 2016 ay muling nagkabalikan ang dalawa at magkasama pa silang nagbakasyon sa Japan in October of the same year.  Sa kanilang pagbabalik ay saka sila nagsimulang magsama sa isang bubong at doon naman nila inanunsyo ang kanilang engagement in January 2017 sabay ng kanilang pag-amin na nagdadalang-tao na ang Kapuso actress.

Hindi sang-ayon ang ama ni Kylie na si Robin na nagsasama ang dalawa na walang basbas ng kasal kaya for sometime ay hindi nagkibuan ang mag-amang Robin at Kylie at gayundin sina Robin at Aljur. Nang isilang ang unang supling ng dalawa nung August 4, 2017 na si Alas Joaquin ay nagsimulang lumambot ang puso ni Robin.

Ang pagsilang kay Alas ay sinundan ng pamamanhikan ng pamilya ni Aljur sa pamilya ni Kylie at dito na muling tinanggap ni Robin sa kanyang pamilya sina Aljur at Kylie maging ang kanyang unang apo sa Kapuso actress.  May apo na rin si Robin na isang babae sa kanyang panganay na si Queenie sa mister nitong Pakistani na si Usman Rashid Mir at halos one week apart lamang ang pagsilang ng kanilang anak at ni Alas Joaquin.

Umuwi ng Pilipinas ang ina Kylie na si Liezl Sicangco galing Australia sa Gold Coast in Brisbane, Australia kasama ang dalawa pa nilang mga anak ng ex-husband niyang si Robin na sina Zhen Zhen at Ali Padilla.  Dumating din ang panganay nilang anak na si Queenie.  Si Queenie ang tumayong Matron of Honor habang si Zhen-Zhen naman ay Maid of Honor.  Ang dalawang younger brothers ni Aljur na si Vin at Allen Abrenica stood as Groomsmen.  Kasama ni Robin ang kanyang misis ngayon na si Mariel Rodriguez.  Naroon din ang magkasintahang Gabbi Garcia at Khalil Ramos, ang mag-inang Maritoni at Lexi Fernandez.  Kasama naman ni Vin ang kanyang girlfriend, ang dating Kapatid talent at ngayon ay isa na ring Kapuso na si Sophie Albert, ang Kapuso singer-actress na si Rita Daniela at iba pang malalapit na kaibigan ng young couple.