Limang script na ginawa sa kulungan, isasapelikula ni Bong

January 10, 2019

Aminado si senatorial candidate Bong Revilla na na-realize niya kung gaano siya kamahal ng asawang si Lani Mercado habang nakakulong siya.

“Siya ang tumindig na ina, tatay ng tahanan, ibang klase. Siya ’yung umiikot sa buong bansa para ikampanya ako noong unang nagdeklara ako na tatakbo ako.

“Habang napapanood ko ’yun sa TV, du’n ako naano, sabi ko, hindi ako nagkamali ng pagpili sa kanya bilang asawa ko,” pahayag ni Bong sa lunch with the entertainment press sponsored by Mother Lily Monteverde and Marichu Vera-Perez Maceda last Wednesday.

Ipinagmalaki ni Bong na habang wala siya ay nagampanan ni Lani nang sabay-sabay ang pagiging mayor ng Bacoor, ama’t ina sa kanilang mga anak and, of course, pagiging asawa sa kanya.

“’Yung ginagawa niya, talagang outstanding, ’yung pagiging ina, pagiging ama at pagiging ina ng Bacoor. Sa lahat ng aspeto ngayon, outstanding siya. Kaya saludo ako sa ’yo, Mommy,” proud pang sabi ni Sen. Bong.

Sa ngayon, naka-focus muna sa kanyang kandidatura bilang senador ang aktor/politiko at pagkatapos ng eleksyon, sasabak na siya agad sa paggawa ng pelikula.

Kwento niya, habang nasa loob siya ng Camp Crame ay nakagawa siya ng limang script na isasapelikula niya lahat.

Welcome back to showbiz, Sen. Bong!