Lorna Tolentino wala nang balak mag-asawa muli

May 16, 2019
Lorna Tolentino and Rhea Anicoche-Tan
Lorna Tolentino and Rhea Anicoche-Tan

SA darating na June 7, 2019 ay pang-11 nang death anniversary ng namayapang action star na si Rudy Fernandez who would have been 67 nung nakaraan niyang kaarawan, March 3.

Tulad ng namayapang Movie King na si Fernando Poe, Jr., well-loved din si Daboy (palayaw ni Rudy) nung ito’y nabubuhay pa kaya marami ang nagluksa nang ito’y lumisan.  Ilan sa mga closest friends nito ay sina Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Phillip Salvador at para nang magkakapatid ang turingan nila sa isa’t isa.

Sa ika-11 death anniversary ni Daboy ay muli itong gugunitain ng kanyang misis na si Lorna Tolentino, kanilang mga anak na sina Raphael at Renz maging ang anak ng namayapa sa aktres na si Alma Moreno na si Mark Anthony Fernandez, ibang mga kaanak at malalapit na kaibigan at mga tagahanga ng yumaong actor.

Samantala, kung gugustuhin ni LT (palayaw ni Lorna Tolentino) ay puwede pa rin itong mag-asawa dahil napakaganda pa rin niya hanggang ngayon sa edad na 57 pero ipinangangako ng award-winning actress at bagong celebrity endorser ng kilalang beauty brand na Beautederm na hindi na umano siya mag-aasawa dahil masaya na siya sa pagiging doting grandmother sa kanyang kaisa-isang apo na si Victoria ‘Tori’ Fernandez mula sa kanyang panganay na si Rap-Rap. Umaasa siya na sana’y mabigyan din siya ng apo ng kanyang ikalawa at bunsong anak na si Renz.

Si LT ay napapanood ngayon sa long-running at top-rating action-drama TV series na “FPJ’s Ang Probinsyano” ni Coco Martin.