Mag-ex na Kaye at Lloydie, ’di nagkakabangga sa Cebu

March 19, 2019
Kaye Abad & RK Bagatsing

Sa Cebu na naka-base si Kaye Abad mula nang mag-asawa last Dec, 2016 dahil Cebuano ang asawang aktor din na si Paul Jake Castillo.

May isa na silang anak, si Joaquin, na mahigit isang taon.

Matapos ikasal, nag-lie-low na si Kaye sa showbiz at nag-focus sa married life, pregnancy at motherhood.

Kaya ang teleseryeng Nang Ngumiti ang Langit ng ABS-CBN under RSB (Ruel S. Bayani) unit ang kanyang comeback project.

Ayon kay Kaye, sobrang na-miss niya ang pag-arte.

“’Pag tinatanong nila ako dati kung ‘how do you see yourself 10 years from now,’ lagi kong sinasabi, ‘’pag nag-asawa na ako, hindi na ako mag-aartista.’ Sinabi ko ’yun, ’di ba?

“Pero nu’ng nagkaasawa ako, nagkaanak ako, ’pag nanonood ako ng TV, nakaka-miss din,” sabi ni Kaye sa presscon kahapon.

Kaya blessing daw na tinawagan siya for Nang Ngumiti ang Langit. Nagustuhan daw niya ito dahil sandali lang ang role niya rito. Hindi rin kasi siya pwedeng tumanggap ng regular series dahil sa baby niya.

Ginagampanan ni Kaye ang role ng nanay ng batang si Mikmik (portrayed by Sophia Reola). Mawawala rin siya agad sa serye.

Fifteen days lang daw siya nag-taping.

Dahil nga based sa Cebu, natanong siya kung hindi ba sila nagkikita ng ex-boyfriend at ka-loveteam na si John Lloyd Cruz.

Doon na rin based ang aktor kasama ang partner na si Ellen Adarna.

“Hindi kami nagkikita pa,” natatawang sabi ni Kaye, na parang ayaw paniwalaan ng press dahil maliit lang ang Cebu para hindi sila magkita.

Aniya, hindi talaga. Lagi raw siyang nasa labas, pero hindi pa talaga niya nakikita si Lloydie.

“Ang daming nagtatanong niyan, pero hindi pa talaga kami nagkikita. Baka ayaw na ng tadhana na magkita kami. Kasi maayos na ’yung mga buhay namin.”

Matagal na rin daw silang walang communication. Ang huli ay noong time na si Angelica Panganiban pa ang girlfriend ng aktor.

Pero happy daw si Kaye for Lloydie.

“May anak na rin siya, kumbaga, lahat kami, may pamilya na rin,” aniya.

Wala ba silang planong mag-bonding man lang dahil pareho silang nasa Cebu na?

“Wala, ewan ko, ha, kasi, hindi na kami in touch ni Lloydie. Si Ellen and si Paul Jake, friends sila, pero hindi rin ganu’n ka... like barkada talaga na they hang out. Wala.”

Tungkol naman sa kanyang married life at buhay sa Cebu, ani Kaye, masaya siya.

“Nagpapasalamat ako kay Lord na parang natupad lahat ang pinangarap kong magkapamilya, magkaanak, maging housewife, lahat. Sabi ko nga, natatakot ako, kasi sobrang binigay Niya talaga lahat... wala naman sanang kapalit,” she said.

Dahil tapos na niya ang taping ng Nang Ngumiti ang Langit, balik-Cebu na siya.

Magsisimula na ang serye sa Lunes, March 25 (bago mag-It’s Showtime), mula sa direksyon ni FM Reyes.

Kasama rin sa cast sina Cristine Reyes, RK Bagatsing, Enzo Pineda, Pilar Pilapil, Matet de Leon, Keempee de Leon, Dante Rivero at child stars na sina Heart Ramos, Miguel Vergara at Krystal Mejes.