May masama pero may mabuting hatid ang covid-19

March 11, 2020

TAMA ang sinabi ng isang actor-politican na magkakaroon ng panic-buying dahil sa balita tungkol sa mga residente ng Metro Manila na nag-positibo sa dreaded COVID-19.

Mahaba ang pila sa mga supermarket noong Miyerkules dahil sa mga kababayan natin na natakot sa magiging epekto ng COVID-19.

Bukod sa mga pagkain, pinakamabenta sa mga supermarket ang lahat ng klase ng anti-bacterial alcohol na sold-out kaya nagkaroon ng shortage.

Apektado pa rin ng banta ng COVID-19 ang mga sinehan at mga pelikula dahil nangangamba ang publiko na pumunta sa mga mall at sa mga lugar na maraming tao.

May report na diumano, pinag-iisipan na ng MMDA at ng Metro Manila Executive Committee na ipagpaliban sa ibang buwan ang 1st Metro Manila Summer Film Festival na magsisimula sa April 11 dahil sa COVID-19 scare.

Iniiwasan pa rin ng shoppers na pumunta sa Greenhills Shopping Complex dahil nag-positibo sa COVID-19 ang isang lalake na madalas pumunta sa Muslim prayer hall sa Greenhills, San Juan City.

Pero kung iisipin na mabuti, ang Greenhills Shopping Complex ang isa sa mga ligtas na lugar sa kasalukuyan  dahil santitation na ipinatupad ni San Juan City Mayor Francis Zamora.

Totoo na nagdudulot ng pangamba ang COVID-19 pero tinuruan at tinuturuan nito ang lahat na maging malinis, maglinis ng paligid at magkaroon ng disiplina na matagal nang binabale-wala ng karamihan sa mga Pilipino na nakalimot na sa kasabihan na cleanliness is next to Godliness.