Home>Entertainment>Showbiz>Mel nagsalita na tungkol kay John

Mel nagsalita na tungkol kay John

John Regala and Mel Francisco

MARAMI ang nagtataka kung bakit biglang nanahimik ang may sakit na actor na si John Regala laluna nang lumantad ang kanyang `amang’ si Mel Francisco (Adolfo Padilla Sherrer, Jr.) na matagal nang itinuring na `patay’ ng actor.

All these years ay minabuti na lamang ng dating actor na si Mel na manahimik at hayaan si John sa kanyang claim na `patay’ na siya.

Kung `pinatay’ siya ni John bilang ama, dinis-own naman ni Mel na anak niya ang actor.

“Sa puso’t isipan at kaluluwa ko ay wala akong anak na John Regala,” diin ni Mel nang ito’y aming makausap.

“Paano ko siya magiging anak e ni hindi ko nga alam na nagbuntis nanay niya at ipinanganak siya?,” patuloy ni Mel.

Ayon kay Mel, nalaman na lamang daw niyang `anak’ umano niya si John nang ito’y pumasok sa showbiz in mid `80s. Sa simula pa lamang daw ng pagpasok ni John sa showbiz ay ginawa na umano siyang masama sa mata ng publiko dahil daw sa claim ng actor na naghirap daw silang mag-ina dahil sa kanyang `pagpapabaya’.

“Paano ako magpapabaya sa hindi ko alam?,” katwiran ni Mel na nagmula rin sa kilalang Padilla clan.

“Kung totoong ako ang ama, bakit hindi ipinaalam sa akin ng kanyang ina? Bakit magki-claim si John na ako raw ang ama kung kelan malaki na ito na itinaon pa niya sa pagpasok sa showbiz? Natural pag-uusapan siya at nakuha niya ang simpatiya ng mga tao habang ako naman ang nalubog at lumabas na masama,” ani Mel.

“All those years na sinabi niyang matagal na akong `patay’ sa kanya, nagwalang-kibo na lamang ako. Hinayaan ko na lamang siya sa kanyang claim.

In 1989 ay lumipad si Mel patungong Amerika where he stayed for 27 years. At sa 27 years na `yon ay nagtrabaho umano siya bilang sales manager ng Honda Motors sa loob ng 15 years. Ilan sa mga anak ni Mel ay nasa Amerika na rin.

Inamin ni Mel na nung kabataan pa niya ay nagkaroon siya ng relasyon sa maraming babae at inamin nito na meron umano siyang 17 anak sa 12 babae.

Kasama ba run sa 17 children niya si John?

“Actually isinama ko kasi inamin naman niya na ako raw ang `tatay’ niya,” kaswal na pahayag ni Mel.

Dalawa na sa mga anak ni Mel ang pumanaw, si Shirley who was 25 years old then na pinagbabaril umano ng boyfriend nito with 29 bullets at si Mark (22) dahil naman sa sakit na leukemia.

Dalawa rin sa kanyang mga anak ang nag-artista rin noon, sina Richard Padilla at Bong Padilla pero pareho na rin silang tumigil sa pag-aartista.

Si Mel ay pinsan ng magkapatid na Robin at Rommel Padilla. Katunayan, ang magkapatid ay tumulong pa umano sa kampanya noon ni Richard nang ito’y tumakbo sa pagka-konsehal ng Paranaque pero hindi pinalad na manalo.

Nung 2016, si John ay nagkaroon ng month-long guest appearance sa “FPJ’s Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin na isa rin sa mga director ng serye. Nagkita umano sina Mel at John at nakursunadahan umano ng huli ang Nissan Navarra pick-up ni Mel. Gusto umanong bilhin ni John sa kanya ang sasakyan. Magbibigay umano ang actor ng P100,000 at ang balance ay huhulug-hulugan umano niya.

“Ikako, paano mo mahuhulugan kapag wala ka na sa “Ang Probinsyano”? Sagot lang sa akin, okey na `yun, tulong ko na lang daw sa kanya dahil hindi naman daw niya (Mel) siya (John) tinulungan magmula nung maliit pa siya. Sa loob-loob ko lang, kung talagang anak ang turing ko sa kanya, kahit hindi niya ako bayaran kasi `yung ibang mga anak ko, okey lang sa akin na gamitin o hiramin ang sasakyan ko,” salaysay pa niya.

Sinabi rin ni Mel na nung mag-showbiz si John, tumawag umano sa kanya ang ina ni John na si Ruby Regala at ipinagpaalam kung puwede raw gamitin ni John tunay nitong apelyido, ang Sherrer pero hindi umano siya pumayag kaya ginawang John Regala na hango sa screen name ni Ruby Regala. Ang full birth name ni John ay John Paul Guido Boucher Sherrer. Ang yumaong ina ni John, ang dating actress na si Ruby Regala ay may French descent habang si Mel naman ay may German descent dahil German ang kanyang ama at Filipina ang kanyang ina na nag-artista rin noon sa Premiere Productions at may screen name na Estrella Luna.

“Kung alam kong ako ang ama, bakit ko ipagkakait ang apelyido ko sa anak ko?”

Inamin din sa amin ni Mel na wala umano siyang naramdamang `lukso ng dugo’ sa ilang beses nilang pagkikita ni John.

Bakit hindi sila magpa-drug test para masigurado kung siya ang ang tunay na ama ni John?

“Para que pa? Bakit pa ako magsasayang ng panahon at gastos? Di ba `patay’ naman na ang turing niya (John) sa akin sa simula pa lang? I won’t do it,” diin pa niya.

Taong 2008 nang mag-desisyon si Mel na bumalik ng Maynila mula America para rito magretiro. Pinasok umano niya ang construction business at buy and sell ng mga sasakyan.

Ikinuwento rin ni Mel na tumatawag pa umano dati ang wife ni John na si Gina (Vicky) Alonzo sa mga anak niya sa Amerika para manghingi ng pera for John. Dati raw ay nagbibigay ang mga ito pero ngayon ay hindi na.

Ngayong lumantad at nagsalita na si Mel at buhay na buhay, saan kaya makakarating ang usapin ng `mag-ama’?

Pero sa kabila nito, umaasa pa rin kami na sana’y magkaroon ito ng good ending balang araw.

Publication Source :    People's Tonight
Aster Amoyo
Member: Professional Artists Managers Inc. (PAMI)