Mga ginawa ni Nash nu’ng bata, tumatak kay Mika

February 16, 2019

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makalimutan ni Mika dela Cruz ang mga sweet gesture ni Nash Aguas sa kanya noong bata pa sila.

“Biruin mo, Tita, batang-bata siya, nagti-taping kami ng Goin’ Bulilit sa Singapore, nakita niya na wala akong baon na pera, naubos ko na sa mga pagkain, sa drinks, tapos nakita niya na may tinitingnan ako na mermaid na ballpen. Ilang taon lang siya nu’n, 9, 10? Nagulat ako, Tita, next taping namin, binigay niya sa akin, binili niya. Ganu’n siya.

“Lagi niyang buhat ’yung bag ko, alam po ng mga staff ng Goin’ Bulilit ’yan, lagi niyang hawak ’yung bag ko kahit saan kami. Minsan, naiinis na ’ko, ‘bag mo ba ’yan? Si Dora ka ba? Ba’t lagi kang naka-bag?’” kwento ni Mika.

Naalala rin ng young actress na kahit takot na takot si Nash sa Ate Angelika dela Cruz niya ay pumunta pa rin daw ito sa bahay nila.

“Takot na takot siya, pero pupunta siya sa labas ng bahay ni Ate, habang umuulan, may dala-dala siyang cream puff. Tapos, hindi na lang siya magpapahuli kay Ate, sa labas lang siya, iaabot lang niya, tapos, aalis na siya. Pero basang-basa siya sa ulan.

“’Yun po ’yung naalala ko, ’yun po ’yung mga tumatak sa akin, ’yun po ’yung mga ginagawa niya sa akin nu’ng bata ako,” kwento ni Mika.

Matatandaang sinabi na rin naman ni Nash na talagang “puppy love” niya si Mika noong bata pa sila.

Nagkahiwalay sila nang naging teenager na sila at pagkatapos ay muling nagkita ngayong malalaki na’t niligawan na niya ito.

Sinagot ni Mika si Nash four months ago, pero kahit bagung-bago pa ang kanilang relasyon, parang matagal na rin sila since 12 years na nga silang magkakilala.

Samantala, masayang-masaya si Mika na finally ay nabigyan na siya ng first title role sa GMA-7, ito ngang Kara Mia, kung saan ay dalawa silang bida ni Barbie Forteza.

Bukas na, Feb. 18, magsisimula ang Kara Mia sa GMA Telebabad at kasama rin sa serye sina Paul Salas at Jak Roberto bilang leading men nila ni Barbie.