Mga opinyon sa Carlo-Maine movie, ikinukumpara sa Alden-Kathryn team up

August 07, 2019
Carlo Aquino and Maine Mendoza
Maine Mendoza and Carlo Aquino in “Isa Pa With Feelings”.

KAHIT subsidiary ng Star Cinema ang Black Sheep Productions na siyang producer ng first team-up nina Carlo Aquino at ng phenomenal star na si Maine Mendoza sa pelikulang “Isa Pa With Feelings” at nakatakdang idirek ni Prime Cruz, malayo pa rin itong maikukumpara sa unang tambalan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards under Star Cinema na pinamahalaan ng box office director na si Cathy Garcia Molina.

For one, matinding mag-promote ng pelikula ang Star Cinema at hindi matatawaran ang  box-office record ni Direk Cathy na lahat halos ng ginawang pelikula ay tumabo sa takilya kabilang na ang record-breaking movie nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla nung isang taon, ang “The Hows of Us” na kumita ng mahigit P900-M plus sa takilya including international screenings.

Tiyak na malaking challenge sa writer-director na si Prime ang pagdidirek kina Carlo at Maine sa “Isa Pa With Feelings.” Hindi nito maiiwasan na maikumpara ang magiging outcome ng kanyang pelikula  sa kinalabasan ng unang tambalan nina Kathryn at Alden.

Si Prime ang nagdirek ng indie movies na “Sleepless” in 2015 at “Ang Manananggal sa Unit 23B” in 2016. First mainstream movie niya ang “Can We Still Be Friends” in 2017 na pinagtambalan nina Gerald Anderson at Arci Munoz na hindi naman gumawa ng significant noise sa box office at hindi pumasok sa Top 10 local movies na ipinalabas nung taong 'yun.

Si Carlo ay gumawa ng dalawang pelikula nung isang taon, ang reunion movie nila ng kanyang ex-girlfriend na si Angelica Panganiban, ang “Exes Baggage” na dinirek ni Dan Villegas under Black Sheep Productions at ipinalabas in September 2018 at kumita sa takilya ng P355.5-M. Bago ito ay nagtambal sina Carlo at Bella Padilla sa pelikulang “Meet Me in St. Gallen”  na dinirek ni Irene Villamor under Spring Films and Viva Films na kumita lamang ng P75-M plus at hindi maiku-consider na major box office hit.

Although it is early to say, tiyak na aabangan ng publiko at ng mga manonood ang magiging outcome ng unang tambalan nina Carlo at Maine.

May mga nagsabi  na sana’y ipinareha si Maine kay Daniel Padilla o di kaya sa kanyang real life boyfriend na si Arjo Atayde at si Direk Cathy Garcia-Molina rin daw ang director para maging patas ang labanan.

Since hindi pa naman tapos at naipapalabas ang “Isa Pa With Feelings” nina Carlo at Maine, hintayin na muna nating maipalabas ang movie ng dalawa at doon lamang sila mag-conclude. Unfair din naman ito sa direktor na si Prime Cruz na agad hinuhusgahan ang trabaho.