Mga relasyong inayawan ng mga magulang

February 25, 2020

ANG pag-ayaw ng mga magulang sa nakakarelasyon o asawa ng kanilang anak ay hindi na bago sa showbiz.

Kung matatandaan pa, kahit heavily guarded noon ang megastar na si Sharon Cuneta ay hindi rin napigilan ang pag-iibigan nila ni Gabby Concepcion na nauwi sa kanilang maagang pagpapakasal nung September 23, 1984 when Sharon was only 18 years old.

Presidente noon ang yumaong Cory Aquino nang makipagrelasyon ang anak na si Kris Aquino sa actor na si Phillip Salvador kung kanino siya nagkaroon ng isang anak, si Joshua.  Sumunod dito ay ang pakikipag-relasyon din ni Kris kay Joey Marquez na nauwi pa noon sa malaking iskandalo.   

Sa kabila ng Presidential guards noon ni Kris, hindi rin nila napigilan ang pagkakaroon nito ng relasyon sa iba’t ibang guys na dati nang may asawa at mga anak tulad nina Phillip, Joey at Gabby Concepcion.

Hindi rin pabor noon ang parents ni Heart Evangelista sa dati nitong nobyo na si Jericho Rosales maging sa mister na nito ngayon, ang dating senador at governor ngayon ng Sorsogon na si Chiz Escudero. Katunayan, hindi dumalo  ang mga magulang ni Heart sa kanilang kasal ni Chiz.

Hindi rin gusto ng ina ni Ruffa Gutierrez na si Annabelle Rama sa mga nakarelasyon noon hanggang ngayon ng kanilang unica hija ni Eddie Gutierrez na nagmula kay Dennis da Silva na sinundan ni Zoren Legaspi, Robin Padilla, John Lloyd Cruz  hanggang sa ex-husband nitong Turkish businessman na  si Yilmaz Bektas kung kanino may dalawang anak si Ruffa – sina Lorin at Venice, hanggang sa longtime-boyfriend nito ngayon, ang French-Israeli na si Jourdan Mouyal.

Kung matatandaan pa, hindi rin sang-ayon si Daisy Romualdez sa relasyon noon ng kanyang anak na si Cristina Paner sa ka-loveteam at  actor na si Cris Villanueva kaya nagkahiwalay ang dalawa.

Ang pag-ayaw ng mga magulang ni Sarah Geronimo sa kanyang mister na ngayon na si Matteo Guidicelli ay hindi rin naiiba sa iba pang showbiz parents pero sa kalaunan ay matatanggap din nila.