Mga saksi, nagkuwento tungkol sa totoong nangyari kay Eddie

June 10, 2019
Eddie Garcia

AS of this writing ay nasa critical condition pa rin ang movie icon na si Eddie Garcia na nailipat na sa ICU ng Makati Medical Center mula sa Mary Johnston Hospital ng Tondo, Manila kung saan siya unang isinugod before lunch time ng Sabado, June 8 matapos bumagsak sa sahig ng ikatlong palapag ng isang tenement sa may Smokey Mountain in Tondo.

Ayon sa personal account ng character actor na si Dindo Arroyo na naroon sa site nang mangyari ito, kinukunan umano ang unang sequence ng araw na `yon kung saan may hawak na baril ang veteran actor habang ka-eksena nito si Romnick Sarmenta na gumaganap na police undercover sa bagong action TV series ng GMA, ang “Rosang Agimat” na pinagbibidahan ni Gabbi Garcia mula sa pamamahala ng veteran action director na si Toto Natividad.  Naroon din umano sina John Regala, Jestoni Alarcon, ang ilan pang gumaganap na henchmen ni Eddie sa nasabing serye, technical crew at production people kaya marami ang naka-witness sa totoong nangyari sa award-winning veteran actor-director.

Ikinuwento sa amin ni Dindo na sobra umano ang init sa kinaroronan nila between 10:30 a.m. at 11 a.m.  Before the take ay napansin na umano ni Dindo si Eddie na tila namumutla ang hitsura pero hindi umano ito nagpahalata na may iniinda.

Ayon kay Dindo, hindi umano napatid ng kable si Eddie kundi naapakan nito ang production cable  at doon nataon ang kanyang pagbagsak at tumukod umano ang hawak nitong baril sa kanyang dibdib.  Agad nag-instruct si Direk Toto na dalhin si Eddie sa pinakamalalapit na hospital at magkakatulong itong binuhat at ibinaba ng building.  Dahil sa sikip ng lugar at hindi agad-aga makakaatras ang mga nakaparadang sasakyin, itinawid pa umano ang veteran actor sa kabilang kalye para makakuha ng ibang masasakyan.

Isang taxi na magka-car barn na sana ang nagmagandang loob na isakay si Eddie at mga kasama nito patungong Mary Johnston Hospital. Unang napabalita ay inatake umano sa puso ang award-winning  veteran actor-director base sa official statement na ipinalabas ng pamilya nito but it turned out na posibleng nag-collapse si Eddie dahil sa sobrang init ng panahon at kulob na lugar ang kanilang location.

Dahil sa nangyari, kinailangang i-pack-up ni Direk Toto ang taping ng “Rosang Agimat” last Saturday.

Si Eddie ay nailipat na sa Intensive Care Unit (ICU) ng Makati Medical Center mula sa Mary Johnston Hospital ng Tondo, Manila at masusing tinututukan ng kanyang mga doctor. Pero nasa kritikal pa ring kundisyon ang veteran actor who just turned 90 last May 2. Gayunman, ni-rule out na atake sa puso ang dahilan ng pag-collapse ni Eddie sa taping ng upcoming action TV series ng Kapuso network.

Lahat ng mga nagmamahal kay Eddie in and out of the industry ay humihingi na patuloy na dalangin para sa paggaling nito.

Si Eddie ay ang kaisa-isang actor-director na ginawaran ng Hall of Fame award ng FAMAS sa magkakaibang katergorya bilang Best Actor, Best Supporting Actor at Best Director.  Huli siyang napanood  sa top-rating and long-running action-drama series ng ABS-CBN, ang “FPJ’s Ang Probinsyano” ni Coco Martin na balitang tatapatan ng naturang upcoming action TV series na “Rosang Agimat” ng GMA.