Miss universe Vietnam itinuring na superstar

December 21, 2018
H’Hen Nie
H’Hen Nie

HINDI man nanalo ang kinatawan ng Vietnam na si H’Hen Nie sa recent 2018 Miss Universe competition na ginanap sa Impact Arena in Bangkok, Thailand, para sa kanyang mga kababayan ay malaking karangalan ang kanyang naiuwi nang ito’y pumasok sa Top 20, Top 10 at Top 5 na kauna-unahang nangyari sa Vietnam sa Miss Universe pageant.

Pang “Maalaala Mo Kaya” o MMK ang buhay ni H’Hen Nie dahil siya ang kauna-unahang naging kandidata sa isang international beauty pageant na nagmula sa isang minority group ng Vietnam at galing sa isang mahirap na pamilya.

Katorse anyos pa lamang si H’Hen ay gusto na ng kanyang mga magulang na siya’y mag-asawa na siyang tradisyon sa kanila. Pero dahil sa pangarap niyang maisalba sa kahirapan ang kanyang pamilya ay lakas-loob siyang nagtungo ng Ho Chi Minh para doon makipagsapalaran.  Pumasok siya sa iba’t ibang odd jobs tulad ng pagiging nanny, paglilinis ng mga bahay at taga-deliver ng mga leaflets para lamang matustusan ang kanyang pag-aaral.

Taong 2014 nang pasukin ni H’Hen ang pagiging modelo at nung 2015 ay sumali siya sa Vietnam Next Top Model kung saan siya pumasok sa Top 9. Magmula noon ay hindi nawala ang kanyang pangarap na sumali sa isang beauty pageant at nung January 6, 2018 ay sumali siya sa Miss Vietnam contest at siya ang nanalo at naging kinatawan sa 2018 Miss Universe na ginanap sa Bangkok, Thailand kung saan nagsimula ang kanyang Miss Universe journey.

Mala-superstar ang naging reception kay H’Hen ng kanyang mga kababayan sa Vietnam nang ito’y bumalik sa kanyang bansa nung nakaraang December 18 (Tuesday), isang araw after the Miss Universe coronation day.