Mister ni LJ kinukuhang assistant coach sa US

June 17, 2019
LJ Moreno, Jimmy Alapag

MASAYANG-masaya at proud ang actress na si LJ Moreno dahil naimbitahan ang kanyang dating PBA player-turned-basketball coach husband na si Jimmy Alapag na maging assistant coach ng Sacramento Kings para sa summer league ng NBA na magsisimula sa darating na July 5, 2019 sa Las Vegas, Nevada.  Ang retired cager ay nakatakdang tumulak patungong Sacramento, California para sa training ng team.

Ang US-born cager-coach (to Filipino immigrant parents from Leyte) ay kaibigan ng chairman ng FIBA Players Commission at tumatayong general manager ng Sacramento Kings na si Vlade Divac na siyang nag-invite sa kanya na maging assistant coach ng Sacramento Kings.

Sina LJ at Jimmy ay ikinasal nung August 19, 2010 sa Laguna Beach, California, USA with their immediate families and friends in attendance including LJ’s close friend na si Rufa Mae Quinto.  Ang mag-asawa ay may tatlong anak, ang kanilang adopted son na si Ian Maximus (their eldest) na sinundan nina Keona Skye at Calen Asher.

Bago ikinasal sina LJ at Jimmy ay dumaan din sa pagsubok ang relasyon ng dalawa nung 2008 nang sila’y magkahiwalay but reconciled after one year at kasunod na rito ang kanilang pagpapakasal in 2010.

Samantala, si LJ ay pamangking buo ng veteran actress-turned-politician na si Alma Moreno (Venesa Moreno Lacsamana in real life) na kapatid ng kanyang inang si Jeanne.  Ang real name ni LJ ay Lari Jeanne Lacsamana Ricafort.