Mommy Divine nagtitinda ng gulay

March 12, 2020
Sarah Geronimo and Mommy Divine

UNDER renovation ang restaurant sa Mindanao Avenue, Quezon City na pag-aari ng mga magulang ni Sarah Geronimo kaya ang tindahan ng mga organic food ang pinagkakaabalahan ni Mommy Divine, ang ina ng singer-actress.

Kabilang sa mga itinitinda ni Mommy Divine ang mga organic vegetable tulad ng kalabasa at labanos na ani mula sa kanilang farm.

Ang talent manager na si Daddie Wowie ang isa sa mga naging kostumer ni Mommy Divine at hangang-hanga siya sa sipag ng nanay ni Sarah.

Ang pagkakaroon ni Mommy Divine ng sariling negosyo ang pruweba na walang basehan ang mga akusasyon na umaasa lamang sila ng kanyang pamilya sa showbiz earnings ng kanyang anak.

Hinusgahan si Mommy Divine ng mga tao dahil sa kanyang  pagtutol sa pagpapakasal ni Sarah kay Matteo Guidicelli pero pinili niya na manahimik, kahit below-the-belt na ang mga batikos.

Nakikiusap ang mga loyal supporter ni Sarah na huwag nang husgahan si Mommy Divine dahil ito pa rin ang ina ng kanilang idolo. Imposible raw na hindi nasasaktan si Sarah sa naririnig at nababasa nito na pagbatikos sa kanyang ina.