Na-trauma!

January 09, 2019
Bong Revilla, Lani, Mother Lily & daughter Gianna
Bong with Lani, Mother Lily & daughter Gianna

Bong, may phobia sa unipormadong pulis.

... aktor-politiko, gustong makasama sina Vice, Pia at Maine sa 2019 MMFF entry.

BUMAGAY kay dating Senador Bong Revilla ang ipinayat na 15 pounds isang buwan matapos ma-acquit (sa kasong plunder dala ng pork barrel scam) at makalaya sa apat na taong pagkaka-detain sa PNP Custodial Center.

Gwapo at masaya nga siyang humarap, kasama ang misis na si Mayor Lani Mercado, sa pa-welcome lunch with the entertainment press na ibinigay nina Mother Lily Monteverde at Manay Ichu Maceda sa Gloria Maris restaurant, Greenhills, kahapon.

Naroon din ang anak niyang si Gianna at kapatid na si Antipolo mayoral candidate Andeng Ynares.

Sa pakikipagtsikahan sa press, inamin ni Bong na parang nagka-trauma siya at may phobia sa mga pulis na nakikita sa laya ngayon.

Siguro raw, dahil sa loob ng apat na taon, 50-200 pulis ang kasa-kasama niya kahit saan siya magpunta -- sa check-up, hearing at kung anu-ano pa.

“Nu’ng dumaan kami sa Camp Crame one time, dumadagundong ang dibdib ko,” aniya.

Makakita nga lang daw siya ng pulis na naka-uniporme, medyo naiilang na siya.

Normal lang naman daw siguro ’yon, dahil nga sa tagal ng pagkakakulong nang walang kasalanan. Eventually, mawawala rin daw siguro iyon.

“Roller coaster” kung i-describe ni Bong ang naranasan sa detention center. Pero marami raw siyang natutunan habang naroroon, lalo na sa pananampalataya,  pagmamahal sa bayan at pamilya.

Doon daw niya napatunayan kung sinu-sino ang mga tunay niyang kaibigan at  kung sino ang totoong nagmamahal sa kanya.

“Masakit, mahapdi siyang karanasan, but it has taught me to be a better person, a better leader and a better husband to my wife,” nakangiti niyang sambit sabay lingon sa direksyon ni Lani, na nag-react naman ng, “siya ang nagsabi nu’n, ha?”
kaya tawanan ang press.

Paglabas na paglabas daw ng kulungan, dumiretso si Bong at ang kanyang pamilya sa Imus Cathedral para magsimba at magpasalamat.

Binalak niyang dumaan sa sementeryo para dalawin ang puntod ng yumaong ina, pero dahil nagkaroon ng konting delay sa schedule ng paglabas niya, ’di na kinaya kaya kinabukasan na niya ito nabisita.

Pagkatapos magmisa, tumuloy ang pamilya Bautista sa amang si former Sen. Ramon Revilla Sr., na siyempre, tuwang-tuwa rin sa paglaya ng anak.

Ang amang dati ring aktor ang nagpayo kay Bong na patawarin na ang mga umapi at nagpakulong sa kanya.

“Naluha ako,” saad ni Bong, dahil hindi nga raw biro ang naranasan niya sa ng kulungan sa loob ng panahong iyon.

“Pero pagkarinig ko kay Daddy, parang narinig ko na rin ang boses ng Panginoon,” dagdag niya.

Kaya, pinatatawad na raw niya ang mga ito.

Aware rin si Bong na may mga kampo na hindi pabor sa naging desisyon ng korte. Kaya naman sey niya, mas maganda siguro kung mag-move forward na lang ang lahat at ituon ang pansin sa mas mahahalagang bagay.

Sa ngayon, nasa 7th-9th place si Bong sa mga kumakandidatong senador sa May elections, base sa Pulse Asia at SWS surveys.

Sakaling palarin na makabalik sa Senado, nangako siyang tutulong muli sa industriya, lalo na sa sobrang mahal na presyo ng panonood ng sine ngayon.

Muli rin siyang sasabak sa Metro Manila Film Festival. Nang tanungin kung sino ang gustong niyang makasama sa MMFF entry, binanggit ni Bong ang mga pangalan nina Vice Ganda, Pia Wurtzbach at Maine Mendoza.