Nabalahaw!

December 23, 2018
Rainbows floats

Floats sa parada, tinow ng MMDA.

Kahit maulan kahapon at karamihan sa floats ay nabalahaw sa putikan, walang nakapigil para hindi matuloy ang taunang Metro Manila Film Festival Parade of Stars 2018 kung saan ay pumarada ang walong floats ng mga pelikulang kasali sa Parañaque, ang host city ngayong taon.

Sa report ni MJ Marfori ng TV5, na-frustrate sina Direktor Paul Soriano at Joel Lamangan (ng Mary, Marry Me at Rainbow’s Sunset) dahil ipinuwesto  ang mga float sa damuhan imbes na sa konkretong kalsada.

Pitong floats ang na-stuck sa putikan, pwera lang ang Fantastica ng Star Cinema, kaya naman ang mga bituing lumahok sa parada, gaya nina Vic Sotto Maine Mendoza at Coco Martin (ng Jack em Popoy), pati na si Anne Curtis (ng Aurora), na-stuck din sa kani-kanyang mga coaster.

Ayon sa talent manager at MMFF spokesperson na si Noel Ferrer, walang nagawa ang efforts ng MMDA tow trucks para maiahon ang mga float.

Kaya naman ang napag-usapan, kapag naiahon na ang lahat ng nabalahaw, magkikita-kita na lang ang lahat sa “finish line,” sa end point sa ASEANA Bradco.

Pinuri ni Noel sa kanyang Instagram post ang veteran actor na si Eddie Garcia (ng Rainbow’s Sunset) dahil umano sa pagiging trouper nito’t pagpayag na maging mala-Santa Claus sa lahat ng fans na nagpapa-picture sa kanya habang nakaistambay sa The Grove.

Makikitang nakakapote at nakapayong ang mga artistang sumakay ng floats, nakangiti, kumakaway at magiliw pa ring bumati sa publikong nakiisa sa inulang parada.

Siyempre, nagpabonggahan ang mga float at kanya-kanya silang konsepto’t disenyo.

Ang float ng Jack em Popoy: The Puliscredibles ay robotic-inspired habang ang Mary, Marry Me naman ay wedding ang tema.

May ilang netizens nga lang na ’di naiwasang mag-react sa float ng entry ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga at nagsabing mukhang may pinaglalamayan dahil mukha itong karo ng patay.

Ang One Great Love naman nina Dennis Trillo, Kim Chiu at JC de Vera ay ginawang yate, same with Viva Films’ Aurora.

Ang kaibahan lang ay luma ang yate ng Aurora na ang dating ay lumubog na ito sa ilalim ng dagat.

Ang The Girl in the Orange Dress nina Jericho Rosales at Jessy Mendiola naman, parang fairy tale ang look na may karwahe pa.

Mala-Cinderella, kumbaga.

Napakalaki naman ng float ng Fantastica na gumamit pa ng 10-wheeler truck at hitsurang peryahan ang float.

Ang Otlum, lumang bahay ang disenyo dahil horror film nga ito.

Ang mananalong float ay magkakamit ng P200,000.

Sa susunod na taon, Taguig naman host city ng MMFF Parade of Stars.

With Vinia Vivar