Nabaligtad ang pangyayari

February 25, 2020

KUMBINSIDO ang marami na may kinalaman si Divine Geronimo sa pagpapainterbyu ni Jerry Tamara sa radio program ni Raffy Tulfo noong Lunes, February 24, 2020.

Si Tamara ang bodyguard ni Sarah Geronimo na nagrereklamo na sinuntok siya ni Matteo Guidicelli sa intimate wedding reception ng aktor at ng singer-actress sa isang restaurant sa Bonifacio Global City noong Huwebes, February 20, 2020.

“Ipina-Tulfo “ ni Tamara si Matteo dahil sa kagustuhan niya na magkaroon ng hustisya ang pananakit sa kanya.

Hindi sinasadya na nagkaroon ng scoop story si Tulfo dahil nalaman ng buong sambayanan ang kumpletong detalye ng lihim na pagpapakasal nina Sarah at Matteo, courtesy of Tamara.

Kung totoo na si Divine ang nasa likod ng paglitaw, pagpapa-blotter sa Taguig Police at pagsasalita ni Tamara sa radio program ni Tulfo, puwedeng sabihin na may kinalaman din siya kaya pinagpistahan ng uhaw na uhaw sa balita na publiko ang mga pahayag ng close- in security ng kanyang anak.

Mula nang lumabas ang mga detalye ng kaguluhan na nangyari sa restaurant  dahil sa blotter report ng Taguig Police, puro negatibo ang mga komento at opinyon ng publiko tungkol kay Divine kaya may dahilan para lalong tumindi ang galit niya kay Matteo at sa pamilya nito.

Imbes na si Matteo ang maapektuhan ng balita na sinuntok niya ang complainant, kabaligtaran ang nangyari dahil mas nakisimpatiya sa kanya ang mga tao na sumusubaybay sa love story nila ni Sarah.

Masasakit ang mga paratang ng publiko laban kay Divine na imposible na hindi naaapektuhan. Dati-rati, pinupuri si Divine sa maayos at maganda na pagpapalaki niya kay Sarah pero nagbago na ang ihip ng hangin dahil sa kanyang mahigpit na pagtutol sa pagpapakasal ng anak na matagal na naglingkod sa pamilya at panahon na para magkaroon ng sariling kaligayahan.