Nadine idinaan sa abogado ang pagkalas sa Viva

January 28, 2020
Nadine Lustre
Nadine Lustre

HALOS magkasunod ang official statement na ipinalabas ng kampo ni Nadine Lustre at ng Viva Artists Agency na may kinalaman sa pagkalas ng ex-girlfriend ni James Reid sa management ng Viva na kanyang naging tahanan since 2009.

Ang law office ni Atty. Lorna Kapunan ng Kapunan & Castillo  Law Offices ang unang naglabas ng press statement hinggil sa kagustuhan ni Nadine na kumalas sa pamamahala ng Viva.  Hindi naman nagpabaya ng Viva at agad naglabas ng kanilang opisyal na pahayag na nagsasaad na may kontrata pa rin sa kanila ang singer-actress.

Mukhang mahaharap si Nadine sa legal battle kapag ipinagpatuloy niya ang kagustuhan niyang kumawala sa kanyang kontrata with Viva.

May problema ba si Nadine with Viva?

Bakit hindi na lamang niya kinausap nang maayos ang kanyang home studio (Viva)  sa kanyang mga plano?  Bakit kinailangan pa niyang idaan sa kanyang abogado ang plano niyang pagkalas sa kanyang kontrata?

In fairness sa ex-boyfriend ni Nadine na si James Reid, personal itong nakipag-usap at nagpaalam sa Viva big boss na si Boss Vic del Rosario kaya naging smooth ang kanilang paghihiwalay.

Si Nadine ay naging miyembro ng all-girl group na Pop Girls na ni-launch ng Viva in 2009. Naging bahagi rin siya noon ng Sunday musical variety show ng GMA, ang “SOP,” “Sunday Funday,” “P.S. I Love You, “ “Wapak” at “Bagets: Just Got Lucky” na mga programa ng TV5.  Isinama rin si Nadine sa mga pelikulang “Petrang Kabayo” na siyang launching movie ni Vice Ganda sa bakuran ng Viva Films, “Who’s That Girl?”, “The Fighting Chefs” at “When the Love is Gone”.

In 2014 ay sabay silang ni-launch ni James ng Viva Films bilang magkatambal sa pelikulang “Diary ng Panget” na naging hit.  Ito’y nasundan kaagad ng another hit movie na “Talk Back and You’re Dead” na lalong nagpatatag ng kanilang bagong loveteam.

Lalo pang nagtuluy-tuloy ang pagsikat ng tambalan nina James at Nadine nang gawin nila ang kanilang first hit TV series na “On the Wings of Love” na pinamahalaan ni Antoinette Jadaone in 2015 at kasunod na rito ang “Till I Met You” in 2016.

It was in February 9, 2016 nang sugalan ng Viva Live ang first ever major concert ng dalawa sa pamamagitan ng “Jadine: Love” na ginanap sa Smart Araneta Coliseum.  Ito’y nagkaroon ng repeat concert on same venue nung December 15, 2016.

Muling naulit ang sold-out concert ng JaDine nung February 6, 2018 sa pamamagitan ng “Revolution” concert na ginanap din sa Big Dome.  It was also in 2018 nang gawin nina James at Nadine ang pelikulang “Never Not Love You” under Viva Films na dinirek ni Antoinette Jadoene.  Hindi lamang hit ang movie kundi ito’y nakapagbigay kay Nadine ng tatlong Best Actress trophies mula sa Gawad Urian, FAMAS at Young Critics Circle.  Ginawaran din siya ng parangal ng Asian Academy Creative Awards for Best Actress para sa pelikulang “Ulan” na kanyang ginawa nung isang taon under Viva Films.  Ang mga ito ay labas pa sa kanyang 15 various  music awards, 9  special awards at  5 popularity awards na kanya lahat nakuha bilang contract star ng Viva. Labas pa ang mga ito sa kanyang iba’t ibang product endorsements and shows here and abroad.

Nang umalis si James sa bakuran ng Viva in September 2019, marami ang nagsabi na malamang ay sumunod na rin si Nadine kapag natapos na ang kontrata nito with Viva.

Para maiwasan ang legal battle with Viva, may dalawang option si Nadine – ang hintaying matapos ang kanyang kontrata with VAA o i-buy out ang kanyang kontrata sa Viva  which would entail huge amount.