Noble act ng mga celebrity, napipintasan pa

March 28, 2020
Angel Locsin

NAKALULUNGKOT isipin na sa kabila ng ginagawang efforts ng actress na si Angel Locsin na pagtulong sa mga frontliner ay naba-bash pa ito ng ibang tao na wala namang naitutulong sa kanilang kapwa.

Puwede naman siyang mag-stay na lamang sa bahay at mag-relax pero isinusuong din niya ang buhay para lamang makatulong sa ibang tao.  Hindi niya iniisip ang kanyang sarili kundi ang kapakanan ng ibang tao na ngangailangan ng tulong.

Sa halip na papurihan ang ginagawa ni Angel ay batikos pa ang natatanggap nito.

Hindi madali ang ginagawa ni Angel na parating sinusuong ang panganib sa tuwing may mga krisis o kalamidad para lamang makatulong sa kapwa.

Pero sa kabila ng pagbatikos sa actress-philanthropist, hindi ito hadlang para hindi niya ipagpatuloy ang kanyang ginagawa sa gitna ng krisis dala ng Covid-19.

Bukod kay Angel, nakatutuwa rin ang iba pang celebrities na nagpapahatid ng tulong sa iba’t ibang paraan at kasama na rito ang sexy at YouTube star na si Ivana Alawi na namili at nag-impake ng mga grocery item para ipamigay sa mga taong walang mga hanapbuhay at kakayahan na makabili ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Katuwang ni Ivana ang kanyang ina na si Fatima Marbella at nakababatang kapatid na si Mona sa pagre-repack ng mga grocery item na kanilang ipinamigay.

Ang iba pang celebrities na naging aktibo sa paghatid ng tulong sa frontliners at sa iba pang mga nangangailangan ay sina Vice Ganda, Anne Curtis, Bela Padilla,Pokwang, Gerald Anderson, Kim Chiu at iba pa.

Si Judy Ann Santos naman ay gumagawa ng mga plastic face shields para ipamigay sa mga frontliner.  Si Juday ay bahagi na rin ng mga panawagan ng FaceShieldsForFrontliners.

What a noble act.