Ogie tagumpay kahit high school graduate lang

November 02, 2019

NATUTUWA kami sa narating ng isa nating kasamahan sa panulat bilang entertainment writer-turned actor-comedian, radio anchor,  talent manager-host  and lately bilang isang movie producer na si Roger Diaz Pandaan na mas kilala as Ogie Diaz.

Malayo na talaga ang narating ng high school graduate ng Victorino Mapa High School ng San Miguel at pang-anim sa walong magkakapatid.

“Even as a kid, gusto ko lang makatulong sa pamilya ko,” pahayag ni Ogie na pinasok na rin ang pagiging movie producer sa pamamagitan ng pelikulang “Two Love You” na tinatampukan nina Yen Santos, Kid Yambao, Reginald Lassy Marquez, Arlene Muhlach at iba pa na dinirek ni Benedict Mique.  Ito’y mula sa magkakatulong na panulat nina Ogie Diaz, Carlo Ventura at ni Benedict Mique at nakatakdang ipalabas thru Viva Films  ngayong November 13, araw ng Miyerkules.

Bakit hindi ang alaga niyang si Liza Soberano ang kinuha niyang pangunahing bida sa first attempt niya bilang movie producer?

“Sobra nang napakalaking artista ni Liza,” aniya.  “Ayoko pating sabihin niya na nagti-take advantage ako sa kanya dahil alaga ko siya,” katwiran niya.

“Maybe someday kapag kaya ko na ang talent fee niya,” natatawang pahayag ni Ogie.

Ang tagumpay ngayon ni Ogie ay dahil na rin sa matagal niyang panahong pagtitiyaga at masipag sa trabayo.

“Nagsimula ako bilang alalay ni Tita Cristy (Fermin), then natuto akong magsulat sa mga magasin niya noon, naging editor, naging entertainment writer/columnist, then actor-comedian, entertainment radio anchor hanggang matutunan ko na rin ang pagiging isang talent manager,” kuwento pa niya.

“Hindi po ako nakapagtapos ng kolehiyo.  Umabot lamang po ako ng  first year college na hindi ko pa natapos ang first sem” patuloy niya.

Habang unti-unti nang gumaganda ang kita ni Ogie ay natulungan niya ang kanyang pamilya maging ang pagpapaaral sa dalawa niyang nakababatang kapatid.

Kilala si Ogie sa pagiging open gay pero hindi ito naging sagabal sa kanyang pagkakaroon ng sariling pamilya.  He has a supportive wife of 19 years na si Georgette del Rosario at meron na silang limang anak na lahat babae, the eldest of whom ay 18 na at ang bunso naman ay 2-1/2.

Ogie is a good provider sa kanyang pamilya na ang kanyang ultimate goal ay mabigyan ng magandang buhay ang mga ito.

“Kaya ako sobrang nagsisikap sa buhay ay dahil sa pamilya ko lalung-lalo na sa mga anak ko,” pagtatapos niya.