Ogie, tulay sa pagbabati nina Regine at Gelli

March 03, 2019
Ogie Alcasid

Naging big deal at pinag-usapan ang reunion nina Ariel Rivera at Regine Velasquez sa ASAP show sa Sydney, Australia, nu’ng November, 2018, ang unang pagsabak as a regular host ng Asia’s Songbird sa naturang Sunday variety show after she transferred to ABS-CBN.

Sa naturang episode, binigyan si Ariel ng tribute kung saan ay napaiyak pa ang singer.

Kaya sa pocket interview sa misis ni Ariel na si Gelli de Belen para sa pelikulang Pansamantagal, natanong kung ano ang naging reaksyon niya sa nasabing reunion.

“Diyos ko, nagkasama lang sila sa pagkanta. Nagkasama na sila sa isang soap, Forever in my Heart. Isang soap ’yun, kasama nila si Goma (Richard Gomez). Nag-guest na si Ariel sa mga concert ni Regine, at saka kami ni Regine, nagkikita kami,” ang sunud-sunod na sabi ni Gelli.

Tapos na raw ’yung parteng ’yon sa buhay nila.

Sa mga hindi nakakaalam, naging magdyowa sina Ariel at Regine at the time na karelasyon ng singer-actor si Gelli.

Napakalaking issue ’yon noon.

Pero hindi nagtagal ang relasyon nina Regine at Ariel. Binalikan ng singer si Gelli.

And the rest is history, ’ika nga.

Ani Gelli, matagal na nilang kinalimutan ang nangyari. But of course, matagal din bago siya naging okay.

“There was a time, she even guested sa Sis (dating show ni Gelli at ng sister niyang si Janice sa GMA-7), nag-usap kami. That was the first time na nag-usap kami, na naging okay kami,” ani Gelli, na ayaw na sanang pag-usapan ang isyu, pero siyempre, may mga hindi pa rin nakakakalam ng buong kwento kaya natanong namin sa kanya.

“’Pag may anak ka na, may asawa ka na...,” sey pa niya, “it took a while before I was able to move on from it, but when I said I was going to move on, I decided talaga to move on unconditionally.

“And nu’ng nagkausap kami nu’n sa Sis, okay na ako. Kasi, hindi naman ako papayag na mati-TV pa kami, tapos hindi pa pala ako masyadong okay. Ano ’ko? Kaya nu’ng naging okay, okay na talaga,” pagkaklaro ni Gelli.

Na-recall nga rin niya na si Ogie Alcasid, mister ni Regine ngayon, ang isa sa nag-pave ng way para magkaayos sila ni Songbird.

Sina Gelli at Ogie ay mag-best friends noon pa at ang nakakatuwang parte, na-link pa sila dati.

Pero paglilinaw ng aktres, hindi naging sila at hindi rin ito nanligaw sa kanya.

“Si Ogie, kung meron mang lalaking kaibigan ako, si Ogie ’yun,” ani Gelli.

Natanong din si Gelli kung bakit umiyak ang mister niya sa ASAP tribute.

Aniya, madali talagang ma-touch si Ariel sa ganu’n.

“Na-overwhelm siya kaya siya naiyak,” she said.

So, hindi naman pala dahil kay Regine kaya siya umiyak?

“Diyos ko, gusto n’yo lang maging ganu’n, eh, di sige. Para mas maganda, eh, di ganu’n. Para mas interesting, gawin nating ganu’n,” sey ni Gelli kaya nagtawanan ang mga kausap.

Excited si Gelli sa pelikulang Pansamantagal with Bayani Agbayani dahil kakaiba raw ito mga nagawa  na niya.

Marami raw naughty words siyang sinabi at pati ang kwento ay kakaiba rin.

Matagal siyang hindi gumawa ng pelikula dahil may  offers man, parati raw hindi natutuloy.

Showing na sa March 20 ang Pansamantagal mula sa direksyon ni Joven Tan.