The One 690, nag-level-up

January 25, 2019

Inilunsad ng matagumpay na negosyante at Mr. Gay World Philippines 2009 na si Wilbert Tolentino ang evolution ng entertainment bar.

Kakaiba ang 24 production number na inihanda na swak sa mga millennial.

Sa apat na dekada ng bar (na dating Club 690), iba na ang kalidad at level up na ang mga masasaksihang palabas sa The One 690 na matatagpuan sa 39 Roces Ave., Quezon City, in front of Amoranto Sports Complex.

Taong 1972 pa nagsimula ang Club 690 na naabutan pa ang Martial Law.

Pansamantala itong nagsara hanggang muling binuksan ni Sir Wilbert katuwang ang co-owner manager na si Mami Genesis Gallios.

Tinawag na itong The One 690. Sila rin ang nagkonsepto ng ebolusyon ng show.

“Since 2004 binigyan ako ng basbas na ipagpatuloy ang 690 ni Boy Fernandez sa akin dahil nakita niya ang passion ko sa entertainment industry & the rest is history,” paglalahad ni Wilbert.

Sa pagbabagong-bihis ng bar, mas fabulous at mas amazing ang shows na pasabog din ang costume ng mga performer.

Naglagay ng Las Vegas-type shows, Broadway-New York shows at Moulin Rouge-Paris shows. Ginawa nilang world-class talaga.

Pero siyempre, hindi pa rin nawawala ang mga seksi at guwapong modelo sa kanilang katakam-takam na performance.

Ang One 690 ay tinatawag na “The Club That Started It All” ng Pilipinas.

“Siya rin ang kauna-unahang gay bar entertainment bar na may billboard sa EDSA at sa mga highway,” pagmamalaki pa ni Will.

“Ni-level-up namin ang The One 690 dahil girls’ night out na ang trending sa millennials. Maraming ganap na rin gaya ng bridal shower party.

“Open minded na ang society ngayon compare sa ’70s ’80s & ’90s na henerasyon. Sumasabay na ang entertainment bar sa makabagong panahon,” dagdag pa niya.

Bukod dito, nag-decide sina Wilbert at Genesis na magtayo pa rin ng bagong entertainment bar na Apollo World Class Male Entertainment & KTV Bar. Matatagpuan naman ito sa 717-B Roxas Boulevard, Parañaque City (malapit sa Baclaran).