Oras ni Angel, papalitan ni Juday

September 17, 2019
Judy Ann Santos
Judy Ann Santos

TIYAK na maraming followers ng “The General’s Daughter” na pinagbibidahan ni Angel Locsin ang malulungkot dahil malapit na itong magtapos sa kabila ng consistent ang pagiging top-rater ng programa.

Sa pagkakaalam namin, hanggang October 4 na lamang mapapanood ang action-drama series ni Angel na nagsimulang umere nung January 21, 2019.

Ang “The General’s Daughter” na magkakatulong na pinamamahalaan nina Manny Palo, Mervyn Brondial at Darnel Joy ay tinatampukan ng powerhouse cast na kinabibilangan nina Tirso Cruz III, Albert Martinez, Janice de Belen, Eula Valdez, Paulo Avelino, JC de Vera, Ryza Cenon at Maricel Soriano kasama sina Loisa Andalio, Ronnie Alonte, Art Acuna, Cholo Barretto, Kim Molina at iba pa.  Ito’y sa ilalim ng Dreamscape Entertainment na pinamumununan ni Deo Endrinal.

Ang time slot ng “The General’s Daughter” ay ookupahan ng “Starla” ni Judy Ann Santos na nakatakdang magsimula on October 7, 2019 kasunod ng top-rating and long-running action drama series ni Coco Martin, ang “FPJ’s Ang Probinsyano”.

Bukod kay Juday, mapapanood din sa drama-fantasy series sina Joel Torre, Enzo Pelojero, Jana Agoncillo, Joem Bascon at Meryll Soriano kasama sina Anna Luna, Janus del Prado, Kathleen Hermosa, Bodgie Pascua, Simon Ibarra at Charo Santos-Concio.  May special participation naman sa “Starla” sina Heaven Peralejo at Braze Aquiza.

Ang “Starla” ay magsisilbing comeback TV series ni Juday in six years na ang huling serye ay ang “Huwag Ka Lang Mawawala” in 2013 na pinagsamahan nila nina Sam Milby, KC Concepcion at John Estrada among others.

Speaking of Juday, masayang-masaya ito ngayon dahil successful ang binuksan nilang restaurant ng husband niyang si Ryan Agoncillo kasama ang brother ni Ryan at wife nito, ang “Angrydobo” na matatagpuan along Taft Avenue malapit sa De la Salle University.  Dahil dito, naghahanap na sila ng lugar for their second branch.

Si Juday ang tumatayong executive chef ng Angrydobo.

Still on Juday, balak nitong ipa-auction ang dalawang gown na isinuot niya sa dalawang magkasunod na ABS-CBN Ball at ang mapapagbilhan nito ay mapupunta sa Bantay Bata Foundation ng binuo ng namayapang chairperson nito na si Gina Lopez.

Samantala, ngayong malapit nang magtapos ang “The General’s Daughter” ay mahaharap na ni Angel at ng kanyang fiancé na si Neil Arce ang preparations ng kanilang nalalapit na pag-iisang dibdib.