Osang sa first love din napunta

August 31, 2019

KAHIT matagal-tagal ding nagpahinga sa showbiz si Rosanna Roces, marami ang natuwa sa kanyang pagbabalik bilang isang mahusay na aktres.

Matapos niyang mapanood sa hit afternoon TV series na “Los Bastardos,” agad siyang nagsimula ng bago niyang serye, ang family-oriented drama series na “Pamilya Ko”.

During the presscon, inamin ni Rosanna na masaya umano siya ngayon sa pagsasama nila ng kanyang partner na si Blessy Arias na kinse pa lamang daw siya nang ito’y kanyang makarelasyon.  Pero muling nagkabalikan matapos ang maraming taon.

Inamin ni Osang (Rosanna) na napag-usapan umano nila noon ni Blessy na magpapaanak siya sa ibang lalaki at dito umano nabuo ang panganay niyang si Grace Adriano.  Pero nagselos umano si Blessy kaya sila nagkahiwalay. Nagkaroon pa ng isang anak si Osang, si Onyok.

In 1993, nag-asawa si Osang sa non-showbiz guy na si Tito Molina pero nagkahiwalay sila in 2004 pero hindi sila nabiyayaan ng anak.  May iba pang nakarelasyon si Osang pero sa bandang huli ay kay Blessy din pala ang kanyang bagsak.

Si Osang ay nakapag-uwi ng dalawang Gawad Urian trophies, Best Actress for “La Vida Rosa” in 2002 at Best Supporting Actress in 2011 for “Presa”.  Nanalo rin siyang Best Supporting Actress in 2009 mula sa Cinema One Originals Digital Film Festival for “Wanted: Border”.