Pacman pabor sa ABS-CBN

February 24, 2020
Manny Pacquiao

PABOR si Senator Manny Pacquiao na muling mabigyan ng franchise ang ABS-CBN at malinaw ito sa mga pahayag niya kahapon sa pagdinig ng Senate committee on public services tungkol sa isyu.

Sinabi ni Pacquiao na dapat magpasalamat ang lahat sa ABS-CBN dahil sa mga serbisyo nito sa mga Pilipino.

“Nalalaman natin na may lindol, nalalaman natin kung ano ang mga kaganapan,nalalaman natin ang mga nangyayari, nalalaman natin kung may namamatay,2 nalalaman natin lahat.

“Hinding-hindi natin basta-basta makakalimutan ‘yung nagkakaroon tayo ng knowledge at na-i-inform tayo.Malaking bagay para sa atin ‘yon, malaking utang na loob natin para sa ABS-CBN dahil in that way, na-i-inform tayo, na-e-educate tayo.

“Marami tayong natututunan, hindi lamang du’n sa mga nabanggit ko kundi sa marami pang iba.

“Kung anuman ang problema nila, kung may violations sila and then, kasuhan sila pero hindi naman siguro du’n mapupunta sa closure, sa akin lang, in my opinion, sa closure ng station.

“Parang malaking kawalan ng buong sambayanang Pilipino ang mawala ang ABS-CBN  dahil napakalaking tulong nito sa ating bansa na magkaroon ng impormasyon ang bawat isa.

“Kailangan isipin natin kung ano ang magiging desisyon natin.Hindi ko pinangungunahan kung  ano ‘yung magiging desisyon ninyo pero napaka-importante na may ABS-CBN na nagbibigay, naghahatid ng balita sa buong bansa,” ang pahayag ni Pacquiao.