Paghuhubad ni Rhen, for art’s sake

November 08, 2019

MAY ilang taon din ang ipinaghintay ng singer-actress na si Rhen Escano bago nabigyan ng first lead role sa pelikula ng Viva Films sa pamamagitan ng psychological erotic thriller na “Adan” mula sa panulat ni Yam Laranas at direksiyon ni Roman Santillan Perez, Jr.  Ang nasabing pelikula na tinatampukan din ng dating beauty queen at PBB alumni na si Cindy Miranda ay nakatakdang matunghayan sa mga sinehan simula sa November 20.

Ang singer-actress-host at celebrity endorser na si Rhen ay isa sa mga nabigyan ng break ng yumaong star builder at Master Showman na si German ‘Kuya Germs’ Moreno sa  kanyang “Walang Tulungan with the Master Showman,” ang late night variety show sa Kapuso Network.  Naging kapanaba-yan ni Rhen sina Ken Chan, Jak Roberto, Sanya Lopez, Gabbi Garcia, Jake Vargas, Marlo Mortel  at iba pa.

Naniniwala ang big boss ng Viva na si Boss Vic del Rosario na malayo ang mararating ni Rhen dahil bukod sa sexy at maamong mukha nito ay magaling pa umano nitong umarte.

Bukod sa “Adan,” si Rhen ay kasama rin sa pelikulang “Untrue” na pinagtambalan nina Cristine Reyes at Xian Lim at dinirek ni Sigrid Andrea Bernardo of “Kita Kita” fame.

“Sobra po akong thankful sa malaking break na ibinigay sa akin ng Viva,” pahayag ni Rhen. "Kaya ginawa ko po ang lahat para sa naturang pelikula."

May mga daring scenes sila ng kapwa lead star na si Cindy na gumaganap bilang isang lesbian. Gayunman, ayon kay Rhen, ginawa niya ito hindi upang makilala bilang bold star kundi isang tunay na aktres. "For art's sake," aniya.